140,968 total views
Mga Kapanalig, matapos ang halos siyam na taong paglilingkod sa publiko, tuluyang nagsara na ang news media organization na CNN Philippines noong ika-31 ng Enero. Dahil ito sa pagkalugi ng kumpanya na umabot ng higit sa limang bilyong piso. Nasa 300 na empleyado ang nawalan ng trabaho. Tinanggal na rin ang website at social media pages ng istasyon—pati ang lahat ng nilalaman o content nitong nagsilbing mapagkakatiwalang source ng impormasyon at dokumentasyon ng kasaysayan—nang walang abiso sa publiko. Maliban sa CNN Philippines, magsasara na rin ang Sky Cable bago Matapos ang Pebrero. Binili na ng kumpanyang PLDT ang nasabing cable TV kung saan naka-broadcast ang ABS-CBN News Channel (o ANC). Sa ibang bansa, sunud-sunod din ang pagtatanggal ng mga empleyado sa mga news media outlets.
Ang mga balitang ito ay hindi lamang simpleng kuwento ng pagsasara ng kumpanya dahil sa pagkalugi. Sinasalamin ng mga ito ang mga pagbabago sa tinatawag na media landscape kung saan nag-iiba na ang pagkonsumo natin ng balita at entertainment. Sa halip na manood ng mga programa sa telebisyon at kumuha ng balita sa mga news channels, news websites, radio, at diyaryo, marami sa atin ang lumipat na sa pagkonsumo ng content ng iba’t ibang digital media. Sikat na nga ngayon ang streaming platforms katulad ng Netflix at mga social media platforms gaya ng Tiktok.
Kaugnay ng pagbabagong ito, karamihan ng kita sa advertising industry ay napupunta na rin sa seach engines at social media platforms kung saan nangingibabaw ang kumpanyang Google at Meta (o ang parent company ng Facebook). Ang advertising industry ay kumikita sa pamamagitan ng pagbili ng ating atensyon sa pamamagitan ng mga advertisements. At dahil ang oras at atensyon natin ay napupunta na sa digital media, nababawasan ang mga tumatangkilik sa tinatawag na mainstream media katulad ng news channels.
Ano naman ang implikasyon nito sa atin? Ayon kay Propesor Danilo Arao ng University of the Philippines, ang pagsara ng isang news media organization na may subok nang track record ay pagkabawas sa mga maaasahang mapagkukunan ng balita at impormasyon. Sa panahong laganap ang disinformation at misinformation o fake news, ito ay maituturing na banta sa malayang pamamahayag na pundasyon ng demokrasya.
Sa kanyang mensahe para sa World Communications Day noong 2018, sinabi ni Pope Francis na ang mga mamamahayag ay protectors of news, mga tagapagtanggol ng balita. Sila ay may responsabilidad na maghatid at magtaguyod ng katotohanan. Ngunit maliban sa kanila, inimbitahan din tayong lahat ng Santo Papa na itaguyod ang pamamahayag sa kapayapaan—ang pamamahayag na makatotohanan at laban sa kasinungalingan; pamamahayag na mula sa tao at para sa tao; at pamamahayag na naglilingkod para sa kabutihang panlahat, lalo na sa karamihang walang boses. Gaya ng pahayag ni Pope Francis, ang lunas sa kasinungalingan ay pagkilos ng mga taong handang makinig at handang makilahok sa bukás na pakikipag-usap upang mailantad ang katotohanan.
Mga Kapanalig, sa pag-usbong ng teknolohiya, hindi natin maiiwasan ang mga pagbabago sa lipunan. Gayunpaman, huwag sana nating hayaan ang mga bagong platapormang ito na ilihis tayo mula sa katotohanan. Kaliwa’t kanan ay pinag-aagawan ang atensyon ng publiko, at madalas, ito ay sa paraang ‘di makatarungan, katulad ng pagpapakalat ng fake news upang pagkakitaan ng mga dambuhalang korporasyon o pakinabangan ng mga makapangyarihang may pulitikal na interes. Sa unti-unting pagliit ng espasyo ng pamamahayag, nagiging mas mahalaga ang pagpasan natin ng responsabilidad na i-verify ng ating sources of information, labanan ang disinformation, at itaguyod ng katotohanan. Huwad ang sinasabing ”demokrasya” kung hinahayaan nitong kumalat ang kasinungalingan. Wika nga sa Juan 8:32: “ang katotohanan ang magpapalaya sa [atin].”
Sumainyo ang katotohanan.