166,826 total views
Kapanalig, panahon na ng upgrade para sa ating mga kakayahan o skills. Ang dami ng pagbabago sa job market hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong mundo. Maraming mga trabaho ngayon ay bago na, at nangangailangan din ng bagong kakayahan.
Marami ng pag-aaral ang nagsasabi na iba na ang job landscape sa mundo, at lalo pa itong iniba ng nakaraang pandemic. Digital na ang ating panahon ngayon, kaya kailangan na rin ng digital skills. Nakakasabay ba ang kaalaman at kasanayan natin sa pagbabago na ito?
Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), kulang sa soft skills ang mga Filipino workers na akma para sa digital age. Ayon pa sa isang pag-aaral ng Asia-Pacific Economic Cooperation, three-fold ang tinaas ng digital hiring rate sa ating bansa, kaya lang may digital skills gap pa sa ating bayan. Panahon na, kapanalig, ng skills upgrading sa ating mga mamamayan.
Kapanalig, kailangan natin magsanay hindi lamang para sa mga manual na trabaho na nakasanayan na ng ating mga workers. Sabi nga ng mga eksperto, ang digital skills ngayon ay kritikal para sa economic survival. Kapag mataas ang kaalaman natin tungkol dito, mas maraming oportunidad ang maaaring magbukas sa atin. Ang skills upgrading, kapanalig, ay hindi lamang dapat para sa manggagawa ngayon. Kailangan nating ma-integrate ito sa edukasyon ng mga susunod na henerasyon. Kailangan nasa mindset natin ang lifelong learning.
Para maging malawakan ang skills upgrading, kailangang handa ang education sector para dito at kailangan palakasin pa ang non-formal education sa ating bayan. Ang technical and vocational education and training (TVET) system ng ating bansa ay kailangang up-to-date, at handa na ma-accommodate ang mga manggagawa at estudyante na nagnanais at nangangailangan ng kanilang assistance. Tinatayang umaabot nga ng 2 million ang mga enrollees sa ating TVET system kada taon. Napakalaki ng potensyal nito na paliitin ang digital skills gap sa ating bayan, maghatid ng trabaho sa ating mga kababayan, at sa kaduluhan, paangatin pa ang ating ekonomiya.
Ang pagpapalago ng ating kasanayan o skills ay maihahalintulad sa leksyon mula sa Matthew 25:14-30 o ang parable of the talents. Tungkulin natin ang palaguin ang biyayang binigay sa atin ng Panginoon. Hindi natin ito dapat ibinabaon o tinatago upang hindi magbunga o maging productive. Ang mga talents na ito, kapanalig, ay ating mga instrumento upang mas mabuti pa nating mapag silbihan ang Panginoon.
Sabi nga sa Sacramentum Caritasis, bahagi ng Panlipunang turo ng Simbahan: work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Kapanalig, kung hindi natin itaas ang ating kasanayan at kakayahan sa trabaho, bitin ang ating kaganapan bilang tao, at bitin din ang paglago hindi lamang ng ating lipunan, kungdi ng sangkatauhan.
Sumainyo ang Katotohanan.