124,057 total views
Mga Kapanalig, sa isang pastoral letter na inilabas noong huling araw ng Enero, pinuna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) ang nagpapatuloy na people’s initiative kung saan kinukuha ang suporta ng taumbayan para bumoto bilang isang lupon ang mga senador at kongresista sa Charter change o Cha-cha.
Katulad ng ibang tutol sa people’s initiative, naalarma ang mga pastol ng ating Simbahan sa pangangalap ng pirma. “It seems that this People’s Initiative was initiated by a few public servants and not truly from the initiative of ordinary citizens,” saad sa liham. Kung ito nga ang kaso, dagdag ng mga obispo, may halong deception o panlilinlang ang nasabing proseso. Binabalewala rin nito ang ating tunay at malayang pakikilahok sa demokratikong proseso ng ating bayan. “Is that good?” tanong ng CBCP. Mabuti ba iyon?
Kaya naman, ipinagdarasal ng CBCP na huwag tayong pumirma sa ipinakakalat na petisyon nang walang maingat na pagninilay, pag-uusap, at, higit sa lahat, pananalangin. Hindi raw kasi ito simpleng pagpirma. Sa paglagda sa petisyon, binibigyan natin ang ating mga mambabatas ng kapangyarihang baguhin ang Konstitusyon. Bagamat sinasabing limitado sa economic provisions ang Cha-cha, hindi iniaalis, kahit ng mga senador, ang posibilidad na baguhin din ang iba pang nilalaman ng pinakamataas na batas ng ating bayan. Delikado ito, hindi po ba?
Inulit din ng CBCP ang argumento ng mga eksperto: hindi ang Konstitusyon ang dahilan ng sinasabing mabagal na paglago ng ating ekonomiya. Hindi episyenteng imprastraktura, katiwalian, at mabagal na mga prosesong may kinalaman sa pagnenegosyo ang ilan sa mga bagay na tumataboy sa mga dayuhang mamumuhunan. Matutugunan ang mga problemang ito kahit hindi palitan ang Konstitusyon. Kailangan lang gumawa ang gobyerno ng mga angkop na patakaran at programa.
Sa isang panayam kay CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, nagbabala siya sa mga posibleng kalalabasan ng Cha-cha. Nangangamba siyang bumalik tayo sa tinatawag na authoritarianism o isang pamahalaang idinidikta ng iisang tao o grupo ang mga batas na iiral sa ating bansa. Ang kasalukuyan nating Konstitusyon, aniya, ay “talagang bunga ng dugo, pawis, at luha ng sambayanang Pilipino.” Huwag natin itong kalimutan, mga Kapanalig.
Ang panawagan ng ating mga obispo ay pag-udyok sa ating pagkakaisa o solidarity, isa sa mahahalagang prinsipyo ng panlipunang turo ng ating Santa Iglesia. Makapangyarihan ang solidarity upang magkaroon ng pagbabago sa ating lipunan. Ito ang nangyari ngayong buwan mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas. Nagkapit-bisig ang taumbayan laban sa isang rehimeng ganid sa kapangyarihan, umabuso sa mga karapatang pantao, at sumupil sa kalayaan. Kung dalisay ang dahilan ng ating pagkakaisa—gaya ng pagtatatag ng isang lipunang makatao, makatarungan, at mapagmahal—kaya nating labanan ang anumang puwersang nais gamitin ang kapangyarihan para sa pansariling kapakanan. Gusto nating isiping ganito nga katindi ang ating solidarity noong nilabanan natin ang diktadura, at isa sa mga naging bunga nito ay ang Saligang Batas ng 1987.
Sa katesismo ng ating Simbahan, sinasabing ang solidarity ay mahalaga sa paghahanap ng solusyon sa mga problemang panlipunan at pang-ekonomiya. Sa usaping Cha-cha, maipakikita natin ang ating pagkakaisa kung hindi tayo magpapalinlang sa mga may maiitim na balak, hindi lamang sa Konstitusyon kundi sa ating bayan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa 1 Corinto 12:12-27, “nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa’t isa.” Tayo, katulad ng mga bahagi ng katawan, ay mga bahagi ng iisang bayan. Magkakaiba man tayo, kumilos sana tayo nang may pagmamalasakit sa iba. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagtutol sa Cha-cha na may panlilinlang.
Sumainyo ang katotohanan.