38,921 total views
Mariing kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang ginagawang pagbubutas sa Masungi Georeserve sa lalawigan ng Rizal.
Panawagan pa ng mambabatas ang pangangailangan sa higit pang pangangalaga sa mga itinalaga bilang protective area mula sa higit pang pinsala.
Gitt pa ni Castro na ang paghuhukay sa loob ng Masungi Karst Conservation Area sa planong pagtatayo ng wind energy farm ay magdudulot ng malaking banta sa kapaligiran, at pagpapalagay sa panganib ng lokal na mga uri ng ibon at paniki at sa ecosystem.
“The drilling inside the Masungi Karst Conservation Area for the planned wind energy farm poses a severe threat to the environment, particularly endangering the local bird and bat species as well as the delicate ecosystem of the area,” ayon sa mambabatas.
Binigyan diin pa ng mambabatas ang kahalagahan ng pagpapanatili ng umiiral na pangangalaga sa lugar at tiyakin na hindi lalabag ang industrial projects sa ecological zones tulad ng Masungi Georeserve.
Panawagan pa ni Castro ang kagyat na pagpapahinto at paglilipat ng proyekto ng Rizal Wind Energy Corp. (RWEC) na maaring maging sanhi ng malawakang pagbaha tulad ng nararanasan ngayon sa Mindanao. Hiling din ng mambabatas sa pamahalaan na bawiin ang pagpapahintulot sa wind energy project sa loob ng pinangangalagaang lugar.
Dagdag pa ng kongresista ang kahilingan sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa proyekto na magdudulot ng pinsala sa lugar na libong taon pa ang bibilangin bago muling maibalik sa dating anyo.
“Congress should also investigate this latest encroachment in the protected area as when portions of it are destroyed then it would take thousands of years to restore. Mukhang gigil na gigil talagang mapasok ng mga negosyante ang Masungi Georeserve at gagamitin ang lahat ng palusot para pagkakitaan ang mga yaman nito na walang pakundangan sa kalikasan,” ayon kay Castro.
Una na ring nanawagan ang Santo Papa Francisco kaugnay sa pang-aabuso sa kalikasan kapalit ang tinatatawag na kaunlaran.
Ayon sa pinunong pastol ng simbahan, hindi maihihiwalay ang pangangalaga sa kalikasan at sa mamamayan, lalo’t ang mga mahihirap ang pinakapangunahing naapektuhan sa pang-aabuso ng kalikasan.