134,309 total views
Mga Kapanalig, kung hindi pa kontrobersyal ang lamat sa pagitan ng binansagang “UniTeam” ng mga Marcos at Duterte, lumutang naman ang mungkahi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humiwalay na sa Pilipinas ang Mindanao. Ibang klaseng hiwalayan naman ito.
Sa kasagsagan ng debate tungkol sa Cha-cha at sa people’s initiative, sinabi ng dating pangulo ang kagustuhan niyang ihiwalay ang buong Mindanao. Nawalan na raw siya ng pag-asa. Maraming presidente na raw ang dumaan, pero walang nangyayari sa Pilipinas. Nalimutan yata niyang anim na taon din siyang naging presidente ng bansa at ang kauna-unahang taga-Mindanao na naupo sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno.
Isa sa mga nasa likod ng mungkahing ito ay ang grupong Mindanao Independence Movement. Kung magtatagumpay sila, tatawagin nilang Federal Republic of Mindanao (o FRM) ang teritoryong aalisin sa Pilipinas. Kukunin nila ang pagkilala ng Russia, China, at Turkey sa pagiging independent state ng FRM. At sino ang gusto nilang maging interim head of state? Si dating Pangulong Duterte.
Kampante silang kayang bumukod ng Mindanao dahil sagana ang isla sa napakaraming likas-yaman. Noong 2022, 17% ng ating gross domestic product ay mula sa rehiyon. Doon din nanggagaling ang 80% ng ating pinya, kape, at saging. Mahigit kalahati ng ating produksyon ng niyog at mais ay mula sa Mindanao. Nakaimbak din sa mga kabundukan ng isla ang malalaking deposito ng ginto, nickel, at iba pang minerál.
Hindi sinang-ayunan ng ilang mambabatas ang ideya ni dating Pangulong Digong. Tutol dito ang dalawang senador mula sa Mindanao na sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Minority Floor leader Aquilino “Koko” Pimentel. Binigyang-diin ni Senador Zubiri na ang huling bagay na gusto nilang mangyari ay ang gawing magulo at hatî ang ating bansa. Umapela siya ng paghihinay-hinay sa mga nag-uumpugang puwersa sa pulitika dahil wala itong maidudulot na mabuti sa ating bansa at sa kabataan. Kung si Senador Pimentel naman ang tatanungin, ang kailangan natin ay magsikap na buuin ang ating nasyon bilang isang epektibo at gumaganang Estado.
Maging ang Bangsamoro Transition Authority ay nagsabing walang basehan ang pagbabalik ng usapin tungkol sa paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas. Kapwa ang Moro Islamic Liberation Front (o MILF) at Moro National Liberation Front (o MNLF) ay matagal nang inabandona ang ideyang ito. Gaya naman ng sinasabi ng mga eksperto sa batas, kabilang si dating Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang ideya ng paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas ay labag sa tinatawag na “territorial integrity” ng ating bansa. Ang integridad ng ating teritoryo ay malinaw na pinoprotektahan ng ating Konstitusyon.
Masalimuot ang kasaysayan ng Mindanao, at para sa marami sa ating iba ang kontekstong ginagalawan, mahirap magbigay ng opinyon at saloobin sa kagustuhan ng mga kababayan natin doong itama ang kawalan ng hustisyang kanilang naranasan. Ngunit hindi sana ito samantalahin ng mga taong malinaw na may mga pansarili at makikitid na interes. Manaig sana ang ating pagmamahal sa ating bayan. Minsan ngang sinabi ni Pope John Paul II, ang pag-ibig sa ating Inang Bayan ay ang dapat na nagbubuklod sa mga bumubuo ng isang bansa sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba-iba. Kung ito ang iiral sa ating bayan, sama-sama tayong kikilos at sama-sama rin tayong uunlad—walang maiiwan, walang mapababayaan.
Mga Kapanalig, malaking hamon pa rin sa ating mga Pilipino ang makitang bahagi tayo ng isang bayan. Hindi ito dahil sa ating magkakaibang wika, kultura, at pananampalataya. Hindi natin ito makamit dahil hinahayaan natin ang mga pwersang nag-aagawan sa kapangyarihan na unahin ang kanilang kapakanan sa halip na gabayan tayo. Mababasa nga natin sa Mga Kawikaan 11:14, “Sa kakulangan ng paggabay, ang bansa ay bumabagsak.”
Sumainyo ang katotohanan.