133,259 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang mensahe para sa paggunita ng Kuwaresma ngayong taon, sinabi ni Pope Francis na ang panahong ito ay isang panahon ng biyaya. Isa itong pagkakataon para sa pagbabagong-loob at kalayaan. “Lent is a season of conversion, a time of freedom,” paalala ng Santo Papa sa ating mga Katoliko.
Sa naturang mensahe, binalikan ni Pope Francis ang paglabas ng bayang Israel mula sa Ehipto sa pangunguna ni Moises. Kuwento iyon ng kanilang paglaya mula sa pagkaalipin, isang paglayang nagdala sa kanila sa disyerto. Katulad ng mga Israelita, tayo ngayon ay may mga pagkaaliping pinapagod at pinaparalisa tayo. Dahil sa ating pagkasanay sa pang-aaliping ito, kumakapit tayo sa mga tao, bagay, o uri ng pamumuhay—mga pekeng idolo—na nagpapahina sa atin, katulad ng pagkahina ng mga Israelita sa disyerto.
Halimbawa, ang pamumuhay natin ay lagi na lang umiikot sa pagkonsumo, sa kagustuhang magkaroon ng maraming bagay na sa ating paniniwala ay magbibigay sa atin ng kasiyahan at kaginhawahan. Bumibili tayo ng mga produkto at serbisyong alam naman nating hindi tumatagal at nagdudulot lamang ng basura na pumipinsala sa ating kalusugan at kapaligiran.
Ngayong araw, siguradong dadagsa ang mga tao sa mga malls at pasyalan upang ipagdiwang ang Valentine’s Day. Walang masama sa pag-celebrate ng araw na ito ng mga nagmamahalan, ngunit hindi natin maikakailang nabalot na ito ng konsumerismo. Ang konsumerismong ito naman, minsang sinabi ni Pope Francis, ay parang isang virus na inaatake ang ating pananampalataya. Napapaniwala tayo ng konsumerismo na ang ating buhay—at maging ang ating mga relasyon—ay nakasalalay lamang sa kung anu-ano ang mayroon tayo. Nakalilimutan na natin ang Diyos at ang lahat ng mabubuting bagay na kaloob niya, katulad ng pag-ibig natin sa isa’t isa.
Inaalipin din tayo—lalo na ng mga taong nasa poder—ng maling pagtanaw at paggamit sa kapangyarihan. Hindi pa rin natatapos ang batuhan ng putik ng mga nagkakairingang pulitiko at maiimpluwensyang pamilya. Pinararatangan nila ang isa’t isa na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Pinasasaringan nila ang isa’t isa tungkol sa pagkakasangkot sa katiwalian at maling paggamit ng pera ng bayan. Sino ang nakikinabang sa awayang ito?
Ang iba sa kanila, nakatutok sa pagpapalit ng Konstitusyon para isulong ang makikitid na interes. Ang masaklap pa, gaya ng sinasabi ng CBCP sa kanilang pastoral letter, tila nililinlang tayo ng mga nagsusulong ng Cha-cha). Kinukuha nila ang suporta ng mga tao, gamit ang kanilang pirma, nang walang malinaw na pag-unawa at pagpapaliwanag. Malinaw na maling paggamit sa kapangyarihan ang nangyayari sa pagsusulong ng Cha-cha.
Sa mga karanasan ng pagkaaliping ito, nariyan ang mga kapatid nating labis na nangangailangan—walang tirahan, walang trabaho, walang pampagamot, walang makain. Dumaraing sila, ngunit napakikinggan ba sila?
Kaya naman, gaya ulit ng sinasabi ni Pope Francis sa kanyang mensahe ngayong Kuwaresma, ang ating paglalakbay sana ngayong panahong ito ay magbigay din sa atin ng pagkakataong huminto at magdasal kasama ng mga kapatid nating sugatan. Alalahanin natin, pagpapatuloy ng Santo Papa, na ang pag-ibig sa Diyos at ang pag-ibig sa ating kapwa ay iisa. Ang panahon ng Kuwaresma ay magbigay sana sa atin ng panibagong lakas, ng panibagong pag-asa. Mahirap ito sa harap ng ating pagkaalipin sa labis na pagkonsumo at sa paghahangad ng kapangyarihan, ngunit tandaan nating kapiling natin lagi ang Diyos.
Mga Kapanalig, ngayon ay Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday, ang pagsisimula ng Kuwaresma. “Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin,” wika nga sa Genesis 3:19. Sa pagninilay natin sa katotohanang ito ngayong Kuwaresma, ituring natin itong panahon ng biyaya at pagbabagong-loob habang naglalakbay sa mga disyerto ng ating buhay at ng buhay ng ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.