150,625 total views
Mga Kapanalig, pinuri ng tatlong obispo mula sa Negros Occidental na sina Bishop Patricio Buzon ng Bacolod, Bishop Louie Galbines ng Kabankalan, at Bishop Gerardo Alminaza ng San Carlos ang pamahalaang panlalawigan dahil sa inilunsad nitong programa na tinatawag na “SecuRE Negros: Ensuring Power Security with Renewable Energy.” Layunin ng programang magkaroon ang mga taga-Negros Occidental ng seguridad sa enerhiya gamit ang mas malinis na renewable sources.
Batay sa datos, kayang lumikha ng surplus renewable energy ang Negros Occidental pero patuloy itong umaasa sa kuryenteng dumadaloy mula sa Panay at Cebu. Sa pamamagitan ng programa, inaasahang magiging “beacon of clean energy” ang probinsya. Uumpisahan ito sa pagbuo ng Energy Development Roadmap na maglalatag ng mga hakbang para labanan ang krisis sa klima sa tulong ng paglipat sa renewable sources. Nanawagan ang pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang sektor na lumahok sa mga isasagawang konsultasyon upang mabuo ang roadmap at makamit ang seguridad sa enerhiya sa 2030.
Nanawagan din ang tatlong obispo sa mga mananampalatayang suportahan ang programa. Nangako rin silang susuportahan ang mga gawain ng pamahalaang panlalawigan at ang programa sa pamamagitan ng pagtulong sa pagpapataas ng kamalayan ng mga mananampalataya tungkol sa kahalagahan ng renewable energy. Maaari din daw nilang i-mobilize ang kanilang mga diyosesis na gumawa ng mga inisyatibo kaugnay ng mga isyung pangkalikasan. Itataguyod din nila ang mga etikal na konsidersasyon sa pagbubuo ng mga patakaran sa lalawigan patungkol sa enerhiya.
Paliwanag ng mga obispo, mahalaga ang pakikilahok ng Simbahan sa programang SecuRE Negros dahil sang-ayon ito sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Anila, kinikilala ng Simbahan ang maagap na pagtugon sa malubhang kalagayan ng ating kalikasan na higit na nakaaapekto sa mahihirap.
Sa katunayan, batay sa World Risk Index 2023, nananatili ang Pilipinas na pinakadelikadong bansa pagdating sa banta ng mga kalamidad. Hawak ng Pilipinas ang puwestong ito mula 2011 o mahigit isang dekada na. Makikita natin ang epekto nito sa dami at lakas ng mga bagyong sumalanta sa ating bansa; sa malaking pinsala sa mga ari-arian, agrikultura, at imprasktraktura; at sa libu-libong taong nasasawi o mas naghihirap dahil sa mga ito.
Kaya naman, katulad ng sinabi ng mga obispo sa kanilang pahayag, ang paglipat sa renewable sources ay hindi lamang pagtugon sa panawagang alagaan ang Kalikasan. Isa rin itong moral na pagtugon. Hamon ito sa ating isulong ang turo ng Simbahan patungkol sa pangangalaga sa kalikasan at pagsisigurong walang naisasantabi sa pagkamit ng kaunlaran, lalo na ang mga nasa laylayan ng ating lipunan. Binibigyang-diin ng mga turo ng ating Santa Iglesia na ang paglikha at paggamit ng enerhiya, na mahalaga sa pag-unlad, ay dapat nakatuon din sa pagkamit ng kabutihang panlahat o common good, kasama ang kabutihan ng kalikasan.
Malaki ang papel na inaasahan natin sa ating mga lider at pamahalaan sa pagkamit ng kabutihang panlahat. Kaakibat naman nito ang pakikilahok natin sa panawagang magkaroon ng mga patakaran at programa, katulad ng SecuRE Negros, na mangangalaga sa kalikasan at magsusulong ng kaunlarang walang naiiwan. Maaari din tayong gumawa ng mga personal na pagbabago o magsimula ang ating parokya o barangay ng mga proyekto makapag-aambag sa layuning ito.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Juan 1:3-4, “Ang lahat ng nilikha ay nagkaroon ng buhay sa pamamagitan Niya, at ang buhay na ito ay ilaw ng sangkatauhan.” Tungkulin nating pangalagaan ang sangnilikhang inihabilin sa atin ng Diyos at siguruhing napakikinabangan ng lahat ang mga biyayang hatid ng mga ito. Ang programa ng pamahalaang panlalawigan ng Negros Occidental ay isang hakbang patungo sa mga layuning ito. Nawa’y maging inspirasyon ito sa iba pang lokal na pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.