5,000 total views
Martes sa Unang Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Isaias 55, 10-11
Salmo 33, 4-5. 6-7. 16-17. 18-19
Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.
Mateo 6, 7-15
Tuesday of the First Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Isaias 55, 10-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinasabi ng Panginoon:
“Ang ulan at niyebe
paglagpak sa lupa’y di na nagbabalik,
aagos na ito sa balat ng lupa’t nagiging pandilig,
kaya may pagkai’t butil na panghasik.
Ganyan din ang aking mga salita,
magaganap nito ang lahat kong nasa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 4-5. 6-7. 16-17. 18-19
Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.
Kadakilaan ng Diyos ay ihayag
ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.
Kinukupkop ng Diyos ang mga matuwid
at ang taghoy nila’y kanyang dinirinig.
Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.
Agad dinirinig daing ng matuwid
inililigtas sila sa mga panganib.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Mat’wid ay tinutulungan
sa lahat ng kagipitan.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Mateo 4, 4b
Ang tao ay nabubuhay
hindi lamang sa tinapay
kundi sa Salitang mahal
mula sa bibig na banal
ng Ama nating Maykapal
MABUTING BALITA
Mateo 6, 7-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa pananalangin ninyo’y huwag kayong gagamit ng napakaraming salita gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila’y pakikinggan sila ng Diyos dahil sa dami ng kanilang salita. Huwag ninyo silang tutularan. Sapagkat alam na ng inyong Ama ang inyong kinakailangan bago pa ninyo hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin:
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang pangalan mo.
Ikaw nawa ang maghari sa amin,
sundin nawa ang iyong kalooban
dito sa lupa tulad ng sa langit.
Bigyan mo kami ng pagkaing kailangan namin sa araw na ito;
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
tulad ng aming pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok,
kundi ilayo mo kami sa Masama!
Sapagkat iyo ang kaharian at ang
kapangyarihan at ang kapurihan,
magpakailanman! Amen.
Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi kayo patatawarin ng inyong Ama.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Martes
Sinabi sa atin ni Jesus na maaari nating tawagin ang Diyos bilang ating Ama, kaya’t taglay ang matibay na pag-asa, idulog natin sa kanyang harapan ang ating mga kahilingan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, basbasan Mo ang Iyong mga anak.
Ang Simbahan sa buong mundo nawa’y laging magpahayag ng matibay na pagtitiwala sa pagdating ng Kaharian ng Ama — isang kaharian ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa kabila ng mga kahirapan ng buhay, tayo nawa’y manatiling nananalangin at hindi magpadarang sa tukso, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng sapat na kakanin para sa ating mga pangangailangan sa araw-araw at ng kadakilaan ng puso upang patawarin ang ating mga kaaway, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at maging ang mga nangangalaga sa kanila nawa’y makatagpo ang Diyos sa kanilang pagpapakasakit araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na, ay makaharap nawa ang Diyos sa kanyang tahanang walang hanggang, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, nagpapasalamat kami sa iyo sa pagdinig mo sa aming mga kahilingan. Tulungan mo kaming laging magtiwala sa iyong pag-ibig at tanggapin ang iyong kalooban sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.