11,675 total views
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda Para sa Pasko ng Pagkabuhay (B)
2 Cronica 36, 14-16. 19-23
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Efeso 2, 4-10
Juan 3, 14-21
Fourth Sunday of Lent (Rose or Violet)
UNANG PAGBASA
2 Cronica 36, 14-16. 19-23
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Mga Cronica
Noong mga araw na iyon: Sumama nang sumama ang mga pinuno ng Juda, ang mga saserdote at ang mamamayan. Nakigaya sila sa nakaririmarim na gawain ng ibang bansa. Pati bahay ng Panginoon na itinalaga niya sa Jerusalem ay kanilang itinakwil. Gayunman, dahil sa habag ng Panginoon sa kanila at sa pagmamalasakit sa kanyang Templo, lagi niyang pinadadalhan sila ng mga sugo. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito at ang mga propeta at pinagtatawanan sa anumang sabihin. Kaya, umabot na sa sukdulan ang poot ng Panginoon. Sinunog ng mga kalaban nila ang bahay ng Panginoon, winasak ang muog ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay tinupok din, anupa’t ang lahat ay iniwan nilang wasak. Ang nagligtas sa patalim ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Doo’y inalipin sila ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia’y masakop ng Persia. Sa gayun natupad ang hula ni Jeremias na ang lupai’y nakapamahinga sa loob ng pitumpung taong singkad.
Upang matupad ang salita niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, pinukaw ng Panginoon ang kalooban ni Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad:
“Ito ang pahayag ng Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ng Panginoon, Diyos ng Kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa siya ng Panginoon, ang kanyang Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin.
Sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 2, 4-10
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid:
Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo’y binuhay niya kay Kristo kahit noong tayo’y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus, tayo’y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Kristo. At ang kaligtasang ito’y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya’t walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Tayo’y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Kristo Hesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una.
Ang Salita ng Diyos.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 3, 16
Pag-ibig sa sanlibutan
ng D’yos ay gayun na lamang,
kanyang Anak ibinigay,
upang mabuhay kaylan man
ang nananalig na tunay.
MABUTING BALITA
Juan 3, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong mga araw na iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas doon sa ilang, gayun din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayun, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.