46,808 total views
Nanawagan ng pakikiisa ang development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa nakatakdang Prayer Rally and Protest Action Against Charter Change na kauna-unahang pagkilos ng bagong lunsad na Koalisyon Laban sa ChaCha: Simbahan at Komunidad Laban Sa ChaCha (SiKLab).
Ayon kay Caritas Philippines Executive Director Rev. Fr. Antonio Labiao Jr., mahalaga ang aktibong partisipasyon ng taumbayan upang mabantayan at hindi maisakatuparan ng iilan ang mga pansariling interes na nakapaloob sa isinusulong na pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Bilang nagkakaisang Simbahan at komunidad laban sa Charter Charter ay nanawagan ng suporta ang Pari sa isasagawang prayer rally sa ika-22 ng Pebrero, 2024 ganap na na alas-otso ng umaga sa Plaza Roma sa Intramuros, Manila na nasa harapan ng Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral at tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC).
“Panawagan na makilahok ngayon mayroon tayong activity sa February 22, 2024 at ito po ay isang pagpapakita ng ating solidarity as Simbahan churches and communities coming together for prayer, gagawin ito sa Plaza Roma sa Intramuros.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Labiao.
Ibinahagi ni Fr. Labiao na bukod sa paninindigan laban sa isinusulong na Charter Change ay layunin din ng gawain na manawagan at ipanalangin ang mga bumubuo sa Commission on Elections (COMELEC) upang maging mapagbantay at manindigan sa People’s Initiative.
“So ito rin ay panawagan natin sa COMELEC people to help us and they should also be vigilant na hindi sila magamit ng mga grupo na ang layunin ay pansarili, so that COMELEC can champion also yung mga prinsipyo, mga paninindigan ng kowalisyon, sana maging katulong natin sila, so ipagdasal at suportahan ang lahat ng mga inisyatiba para sa pagpapatatag ng ating mga komunidad laban sa mga pekeng inisyatibo o People’s Initiative.” Dagdag pa ni Fr. Labiao.
Sa tala ng COMELEC, bago pansamantalang sinuspende ang lahat ng gawain kabilang ang pagtanggap ng mga ‘signature forms’ na may kaugnayan sa People’s Initiative ay nakatanggap na ang ahensya ng signature forms mula sa 1,072 munisipalidad at siyudad sa buong bansa.
Tinagurian bilang Koalisyon Laban sa Chacha! binubuo ang nasabing kowalisyon ng may 40-grupo mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na kinabibilangan ng mga church groups at people’s movement sa bansa na pawang naninindigan sa pagpapahalaga sa Saligang Batas ng Pilipinas na nagsisilbing sandigan ng mga karapatan, kalayaan at demokrasyang tinatamasa ng bansa.
Kabilang sa mga organisasyon at grupo ng Simbahan na kasapi ng kowalisyon ang development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na Caritas Philippines sa ilalim ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace o Caritas Philippines; Sangguniang Laiko ng Pilipinas; Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP); Simbahang Lingkod ng Bayan (SLB); at CMSP – Conference of Major Superiors in the Philippines.