189,238 total views
Hindi natin maitatanggi, kapanalig, na talamak ang cybercrime sa ating bansa. Parami ng parami ang konektado sa internet sa ating bayan, at parami rin ng parami ang mga kriminal na nagnanais na gamitin ang kondisyon na ito bilang oportunidad para kumita.
Kapanalig, kung dati, ang mga krimen na karaniwan nating naririnig ay lokal o localized lamang, ngayon mas dumarami na ang mga international crimes dahil sa teknolohiya. Ang mga krimen na ito ay hindi lamang ukol sa pera at identity theft, kundi pati sa exploitation at pang-aabuso sa mga tao, lalo na ng mga bata at babae.
Nitong 2023, umakyat ng 400% ang bilang ng mga cybercrime sa ating bayan. At sa bilis ng pagdami ng mga kasong kaugnay nito, masasabi natin na maaaring ito na ang magiging trend ng mga kaso sa ating bayan, kung hindi natin ito mapipigilan.
Kapanalig, ang digital illiteracy ay isa sa mga rason kung bakit maraming nabibiktima ng cybercrime sa ating bansa. Ang dami nating gumagamit ng teknolohiya, pero marami rin ang hindi angkop ang kaalaman at kahandaan sa pag-gamit nito. Sa katunayan, kumpara sa mga karatig bansa natin sa ASEAN, ang ating bansa ay nahuhuli pagdating sa digital literacy. Mga 40% lamang sa mga Filipino ang may isa sa sa anim na ICT skills na tinakda ng Sustainable Development Goals 4.4.1 – mga skills na kailangan ng tao para sa ating digital world.
Napakahalaga na tumaas ang antas ng digital literacy skills sa ating bayan. Pathway ito sa mas maraming oportunidad para sa edukasyon at trabaho. Proteksyon din natin ito laban sa cybercrime.
Kailangan din natin tingnan ang ating basic literacy skills, lalo sa mga mahihirap na lugar. Ang disparity ng basic literacy skills sa mga nakakausad at mahirap na rehiyon sa ating bansa ay malaki – marami ang napapag-iwanan. Ang basic literacy, kapanalig, ay pundasyon ng digital literacy skills.
Ang kakulangan sa basic digital literacy, kapanalig, ay isa sa mga mabigat na dahilan kung bakit dumadami na ang mga phishing scams sa bayan. Ang phishing kapanalig, ay pagnanakaw ng mga passwords, usernames, credit card numbers, bank information, at iba pang sensitibong impormasyon at datos para magnakaw ng pera o magbenta ng pribadong impormasyon. Kapag mababa ang ating digital literacy skills, madali tayong mabibihag nito, at hindi lamang tayo ang at-risk, kundi pati ang mga kumpanya at organisasyon na ating pinagtatrabahuhan.
Nakatali ang digital skills sa responsableng pag-gamit ng teknolohiya. Responsibilidad natin pagbutihin pa ang kasanayan nito para sa kasulungan ng ating buhay at ng bayan. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe noong World Day of Social Communications 2019: Ang internet, particular ang social networks, ay nakakatulong sa pag-uugnay ng mga tao, pero ginagamit din ito para personal data manipulation, na hindi nagbibigay respeto sa tao at sa kanyang mga karapatan.
Habang kumikilos ang gobyerno sa pagsawat ng cybercrime at pagtaas ng antas ng digital skills sa ating bayan, obligasyon din natin na isulong ang responsableng pag-gamit ng teknolohiya. Ang pag-akap sa obligasyon na ito ay pagbibigay proteksyon din sa ating lipunan laban sa cybercrime.
Sumainyo ang Katotohanan