32,807 total views
Ipinaalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa mamamayan higit na sa mga kabataan na huwag kalimutan ang mga aral at adhikain ng EDSA People Power Revolution.
Ayon kay San Fernando La Union Bishop Daniel Presto na siyang Chairman ng komisyon, ito ay bilang paggunita sa ika-38 taong anibersaryo ng makasaysayang bloodless revolution mula sa diktadurya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Sa mga kabataan ay balikan natin ang mga pangyayari na naganap kung ang mga tao ay nagkaroon ng non-violent reaction, revolution doon, tinuturo nito sa mga kabataan ang pagkilos ng hindi marahas sa mga katiwaliang naganap alam natin na sa tulong din ng Mahal na Ina sa pagdarasal mangyayari ang pagbabago,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presyto.
Panghihimok pa ng Obispo, na isulong sa lipunan ang patuloy na pagkakaisa upang maiparating sa pamahalaan at kapwa ang mga suliranin ng lipunan na kinakailangan ng kagyat na pagtugon.
Kasabay ito ng kinakailangang pagkakaisa ng mga lider katuwang ang mga mamamayan upang sama-samang matamasa ang pagunlad sa lipunan.
“Higit sa lahat, ang mga pagnanais nating maging masagana, maunlad sa pagtutulungan natin bilang mga mamamayan at sa ating mga leaders, nawa ay maisakatuparan ang diwa na ito ng EDSA, ilipat ang pagmamahal sa bayan, sa pagsusulong ng bayan para sa kapakanan ng mga mamamayan “
Una ng itinuring ni Sr. Asunsion “Cho” Borromeo, FFM ang 1986 EDSA People Power Revolution bilang himala kung saan ipinamalas ng maraming Pilipino ang katangi-tangi pagpapakita ng pagkakaisa.