54,042 total views
Muling binigyang diin ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na hindi tugon ang diborsyo o paghihiwalay sa hindi pagkakasundo at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa.
Ito ang iginiit ni LAIKO National President Francisco Xavier Padilla kaugnay sa pag-usad sa House Plenary ng Absolute Divorce Bill.
Ayon kay Padilla, sa halip na diborsyo o paghihiwalay ay maraming mga paraan upang masolusyunan ang hindi pagkakaunawaan at problema ng mag-asawa.
Inihalimbawa ni Padilla ang marriage counseling at family counseling kung saan binibigyan ng gabay ang mga mag-asawa para sa mapayapang pagsasaayos ng problema at hindi pagkakasundo upang mapatatag ang sinumpaang kasal sa harapan ng Diyos at ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Kapag kasal na kayo we also have remedies for that counseling, marriage counseling, family counseling so divorce is not the answer, it’s not the immediate answer maraming din ways to be able to fix that marriage that was solemnize under God in front of many witnesses.” Bahagi ng pahayag ni Padilla sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag din ni Padilla na kinakailangang magkaroon ng naaangkop na paghahanda o marriage preparation ang magkasintahan bago tuluyang magpakasal upang ganap na makilala at maunawaan ang isa’t isa.
Tiniyak naman ng pangulo ng SLP na maraming organisasyon at grupo ng mga layko ang maaring makatulong sa pagkakaloob ng marriage preparation sa mga nagnanais na magpakasal upang magabayan ang kanilang pag-iisang dibdib at pagsasama bilang mag-asawa.
“We need to have marriage preparation, marriage is not something na papasok ka lang tapos hindi ka nagprepare, kailangan you need to know kung compatible kayo, you need to know kung ano yung mga stands niyo on certain issues and there’s so many ways na LAIKO can help with that. Marami tayong mga organizations, marami tayong mga formation programs na hindi lang pang [Class] A B C kasi yung class A B C yun yung talagang nagmi-marriage preparation pero we can also reach all classes, all Pilipinos regardless of social class and teach them marriage preparation.” Dagdag pa ni Padilla.
Naunang iginiit ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na hindi solusyon sa mga problema at hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa ang paghihiwalay o diborsyo na siyang magpapahina sa pundasyon ng pagkatao ng mga batang mayroong magkahiwalay na magulang.
Nasasaad sa panlipunang turo ng Simbahan na ang sakramento ng kasal ay hindi lamang isang malalim na tanda o kahulugan ng pagsasama ng mag-asawa sa halip ay nagbibigay ng katangi-tanging grasya o biyaya ng Diyos upang magampanan ng mag-asawa ang kanilang tungkulin sa pamilya at sa lipunan.
Kaugnay nito kabilang ang diborsyo sa itinuturing ng Simbahang Katolika na Death Bills na mga panukalang batas na labag sa utos ng Diyos at taliwas sa misyon na iniatang sa Simbahan para sa pagpapatibay ng pundasyon at kasagraduhan ng buhay at pamilya.
Sa kasalukuyan tanging sa Pilipinas at Vatican City na lamang walang umiiral na batas na nagpapahintulot ng diborsyo.