33,847 total views
Ilulunsad ng Diocese of Legazpi ang bamboo plantation project sa bahagi ng Sto. Domingo, Daraga, Albay.
Layon ng Legazpi Diocesan Social Action Commission na makapagtanim ng 7,000 giant bamboo propagules tungo sa hangaring mapanatili ang kagubatan at mapagkunan ng kabuhayan ng komunidad.
“Bamboo is not just a plant, it’s a sustainable solution for a greener planet. Our plantation project is geared towards maximizing the potential of bamboo as a renewable resource and contributing to environmental conservation,” pahayag ng SAC Legazpi.
Maliban sa mahalagang ambag ng kawayan sa pagkakaroon ng malinis na hangin at malusog na lupa ay maaari din itong mapakinabangan sa pagtatayo ng mga tahanan o gusali, agrikultura, paglikha ng mga tela, at pagmulan ng malinis na enerhiya.
Inaanyayahan naman ng social arm ng Diyosesis ng Legazpi ang mga mananampalataya na makibahagi sa inisyatibo upang patuloy na maisulong ang malinis at luntiang kapaligiran para sa mga susunod na henerasyon.
Katuwang ng SAC Legazpi sa proyekto ang Caritas Philippines, kung saan sa ilalim ng Alay Kapwa Para sa Kalikasan program ay isinusulong ang Caritas Bamboo Forest Project sa 86 na diyosesis sa buong bansa.
Magugunita nitong Pebrero 28 nang pangunahan ng social at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang paglagda sa Memorandum of Agreement para sa nasabing proyekto katuwang ang Archdiocese of Capiz at Jaro, at Diocese of San Carlos.
Layunin nitong higit na pagtibayin ang ugnayan sa pagitan ng simbahan, pamayanan, lokal na pamahalaan, at iba pang sektor sa layuning mapangalagaan ang nag-iisang tahanan, alinsunod sa Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalang Francisco.