92 total views
Ang Mabuting Balita, 21 Pebrero 2024 – Lucas 11: 29-32
NAG-AKSAYA
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”
————
Hindi kailangan ng palatandaan mula sa langit upang tayo ay magsisi. Mayroong mga ilan sa atin na huli na nagsisi at nanghinayang na hindi nila ito ginawa ng mas maaga. Marahil, hindi natin naiintindihan na ang pagsisisi ay bahagi ng buhay ng bawat Kristiyano. Ang pinakadahilan kung bakit ipinadala sa atin si Jesus ng Ama ay upang tayo ay maligtas at magkaroon ng isa pang pagkakataong makamit ang buhay na walang hanggan. Tayo ay makapagsisisi at makababalik sa Diyos sa pamamagitan ng Sakramento ng Pagbabalik-Loob. Hindi kailangang magsisi sa ating mga naging kasalanan sa nakaraan kapag tayo ay magkasakit ng malubha at nakamamatay, o kung tayo ay maaksidente at mabaldado, atbp.. NAG-AKSAYA tayo ng ating buhay na nakaraan kung saan sana tayo nakaranas ng kapayapaan at kaligayahan sa pag-ibig ng Diyos, at kung saan sana tayo nakapamahagi ng pagmamahal at kaligayahan sa mga tao sa ating kapaligiran.
Panginoong Jesus, turuan mo kaming maging mapagpakumbaba na aminin na kami ay nangangailangan ng kapatawaran mula sa iyo at sa iba!