4,039 total views
Ang Mabuting Balita, 26 Pebrero 2024 – Lucas 6: 36-38
PAG-AAKSAYA NG PANAHON
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maging mahabagin kayo gaya ng inyong Ama. Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan ng Diyos. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan ng Diyos. Magpatawad kayo sa inyong kapwa, at patatawarin kayo ng Diyos. Magbigay kayo, at bibigyan kayo ng Diyos: hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamitin ng Diyos sa inyo.”
————
Sa madaling salita, ang pinakamagandang panuntunan sa buhay ay ang sinabi ni Jesus sa Lucas 6: 31 at Mateo 7: 12: “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo.” Ito ang mas kilalang tinatawag na “GOLDEN RULE” na ayon sa mga manunulat ng kasaysayan, ay nagmula kay Confucius, isang Pilosopo sa Tsina na namuhay sa pagitan ng 6 at 5 siglo bago dumating si Kristo: “Huwag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin nila sa iyo.” Ang pagsabi ni Jesus ay higit na maganda sapagkat binibigyan niya ng diin ang positibo – hinihikayat niya tayong gumawa ng kabutihan at ito ay babalik sa atin.
Kung iisipin nga naman natin – walang nakakaalam kung gaano karaming oras ang ibibigay sa atin sa buhay na ito. Napakalaking PAG-AAKSAYA NG PANAHON kung ang natitira nating panahon ay mauubos lamang sa pakikipag-away at pagbabangayan, at hayaan na masira tayo ng ating HANGAL NA PAGMAMATAAS!
Panginoong Jesus, nawa’y matularan ka namin na naglaan ng 3 taon mong natitira sa mundo sa paggawa ng kabutihan sa lahat ng iyong natagpuan!