4,060 total views
Ang Mabuting Balita, 27 Pebrero 2024 – Mateo 23: 1-12
PERSONAL
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
————
Sa pagsasabuhay ng ating Pananampalataya, tayo ang mananagot sa ating mga pasya/kilos. Hindi natin maaaring sisihin ang mga namumuno ng ating Simbahan o mga pinunong layko kapag ang ating mga ikinikilos ay labag sa mga Utos ng Diyos. Gayundin, kung mayroong mga namumuno ng ating Simbahan o mga pinunong layko na kumikilos ng labag sa mga Utos ng Diyos, sila ang mananagot para dito. Sila rin, ay tatanggap ng paghatol ng Diyos.
Bagama’t tayong lahat ay bahagi ng Simbahan, ang Pamilya ng Diyos, ang paghatol na ating matatanggap para sa ating mga pasya/kilos ay PERSONAL. Ang mahabang pagsalaysay nito ay nasa ebanghelyo ni Mateo 25: 31-36. Sa huling paghahatol, hindi na mahalaga kung tayo ay tiningala ng mga tao o kung tayo ay nagkaroon ng mataas na katungkulan sa Simbahan. Ang mahalaga lamang ay kung gaano natin minahal ang mga nangangailangan.
Panginoong Jesus, Ikaw ang aming Tagapagturo, ang Mesiyas!