291 total views
Mga Kapanalig, nabalitaan ninyo marahil ang tungkol sa planong pagtatayo ng isang underwater theme park sa probinsya ng Palawan. Kayo po ba ay natuwa at na-excite sa bagong pasyalang ito?
Inanunsyo ang theme park na ito noong nakaraang linggo ng kumpanyang Viacom, ang may-ari ng kilaláng children’s television network sa Amerika na Nickelodeon. Ang theme park ay itutulad sa sikat nitong palabas kung saan ang mga tauhan ay mga makukulay na lamang-dagat. Ayon sa kumpanya, ang proyekto ay magbibigay ng pagkakataon sa mga sumusubaybay sa palabas, lalo na ang mga bata, na makita ang mga pinagbatayan ng kanilang mga paboritong cartoon characters. Dagdag pa ng kumpanya, isusulong ng theme park ang pangangalaga sa karagatan.
Gaya ng inaasahan, mariing binatikos ng mga environmentalists ang planong theme park. Kabaligtaran daw ng mga binanggit na layunin ang magiging bunga ng ipapatayong pasyalan. Sa unang press release ng Viacom, sinabi nilang mahigit 400 na ektarya ang kabuuang sukat ng theme park, isang undersea development na may kasamang mga kainan at pahingahang nakalubog nang anim na metro o dalampung talamapakan sa ilalim ng dagat. Giit ng mga tutol sa proyekto, sisirain at guguluhin ng pagtatayo ng mga artipisyal na istruktura ang naturál na daloy ng buhay sa mga dagat ng Palawan. Matapos ang ilang araw na ingay ng isyu sa social media, nilinaw ng local partner ng Viacom na ang mga istruktura ay itatayo sa lupa at ang tema lamang ang “underwater.”
Kilalá ang Palawan, hindi lamang sa ating bansa ngunit maging sa buong mundo. Matatagpuan dito ang Puerto Princesa Subterranean River National Park at Tubbataha Reefs Natural Park, na parehong kabilang sa UNESCO World Heritage Sites. Bukod dito, marami ring dinarayong beaches at kagubatan sa Palawan na patunay na hitik ang likas yaman na matatagpuan sa lalawigang ito. Ang isla ng Palawan nga po ang tinaguriang “last frontier” ng Pilipinas. Handa ba nating isakripisyo ang mga biyayang ito para sa sinasabing kaunlaran?
Ang dangal ng sangnilikha ay isinusulong ng mga panlipunang katuruan ng ating Simbahan. Ipinaalala sa ating mga mananampalataya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan, kasama ang mga karagatan at ang lahat ng nabubuhay rito. Sa Centesimus Annus, sinabi ni St John Paul II na bagama’t binigyan tayo ng ating Diyos ng kakayahan at kalayaang pakinabangan ang Kanyang mga biyaya, anumang pagbabago ang gawin natin sa ating kapaligiran at sa kalikasan ay dapat na nakatuon sa layuning una at tunay na itinakda ng Diyos na lumikha ng lahat. Ang kalikasan ay hindi nilikha para sa kapakinabangan ng iilan o para sa interes ng mga may kapangyarihan at may pera. Ang kalikasan ay ipinagkaloob sa atin upang mamuhay tayo nang matiwasay at pagbahaginan ang biyayang dala nito sa lahat. Sa kalikasan natin namamalas ang pag-ibig ng Tagapaglika. Kung sa paghahangad ng kaunlaran ay nasisira natin ang ating kalikasan, hindi lamang tayo nagiging mga pabayang tagapamahala ng sangnilikha, nagiging instrumento rin tayo upang manaig ang kawalan ng katarungan sa lipunan.
Gaya nang sinabi ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si, ang pangangalaga sa kalikasan ay nangangailangan ng isang uri ng pagtanaw sa kinabukasan, sa maaaring maging bunga ng anumang gawain sa susunod na salinlahi. Hindi natin ito maaasahan sa mga taong ang tanging hangad ay magkamal ng malaking kita. Mas malaki kaysa sa maaaring kitain ng tao ang pinsalang dala ng kawalan natin ng pagpapahalaga sa ating kalikasan. Hindi na maibabalik ang nasirang kalikasan, ang mga namatay na hayop at halaman, at walang katumbas na halaga ang pagkawalang ito. Kung mananahimik tayo sa harap ng pagkasira ng ating kalikasan para lamang sa sinasabing kaunlaran, ipinapasa natin sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ang masamang bunga ng pagkasira ng kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.