15,015 total views
Inaanyayahan ng kapanalig na himpilan ang lahat na pakinggan at tunghayan ang programa bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Hour ngayong taon.
Ito ang “Ang Banal na Oras para sa Kalikasan: Earth Hour 2024 Special” na isasagawa ngayong Sabado, March 23 mula alas-otso hanggang alas-10 ng gabi.
Tampok sa programa ang panayam mula sa mga makakalikasang grupo at ang isang oras na pagpapatay ng mga ilaw mula alas-8:30 hanggang alas-9:30 ng gabi.
Kasabay nito ang pagdarasal ng Santo Rosaryo at mga pagninilay mula kina Taytay, Northern Palawan Bishop Broderick Pabillo, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, at Borongan, Eastern Samar Bishop Crispin Varquez.
Mapapakinggan ang programa sa DZRV 846 AM at matutunghayan sa DZRV846 Facebook page, Veritas PH sa YouTube, at sa Veritas TV Sky Cable Channel 211.
Ito’y sa pakikipagtulungan ng World Wide Fund for Nature Philippines at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Una nang inihayag ng WWF-Philippines na pagtutuunan sa pagdiriwang ngayong taon ang pagtugon sa suliranin ng plastic pollution sa bansa.
Katuwang naman ng grupo ang Manila City Government upang manguna sa local celebration ng Earth Hour sa Kartilya ng Katipunan sa Manila City Hall.
Ngayong taon ang ika-16 na beses na pakikibahagi ng Pilipinas sa taunang pagdiriwang bilang patuloy na paninindigan upang pangalagaan ang daigdig.
Taong 2007 nang unang isagawa sa Sydney, Australia ang itinuturing na pinakamalaking pagtitipon para sa kalikasan, at ngayo’y isinasagawa na sa higit 7,000 lungsod at 193 bansa sa buong mundo.