26,943 total views
Humiling ng panalangin ang bagong obispo ng Diocese of Alaminos para sa tatahaking misyon na pagpapastol sa mahigit kalahating milyong kawan.
Batid ni Bishop Napoleon Sipalay, Jr. na kaakibat nito ang isang malaking tungkuling gagampanan kaya’t mahalaga ang mga panalangin upang manatili ang diwa ng paglilingkod at pagmimisyon sa kawang ipinagkatiwala ng simbahan sa kanyang pangangalaga.
“This is a blessing from God, and I willingly accept it. Though I am not worthy, God called me to this mission. Please pray for me that in this calling I can give myself. I also ask for the maternal care of Our Blessed Mother, to help me sustain in this new mission,” pahayag ni Bishop Sipalay sa Radio Veritas.
Inordinahan si Bishop Sipalay nitong March 18 sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag sa pangunguna ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas habang nagsilbing co-consecrator naman si Urdaneta Bishop Jacinto Jose at Lingayen Dagupan Auxiliary Bishop Fidelis Layog.
Ikinalugod naman ni Alaminos Bishop Emeritus Jesus Cabrera ang pagdating ni Bishop Sipalay sa kanilang diyosesis naging sede vacante ng apat na taon.
Aniya higit kinakailangan ang obispo na mangangasiwa sa diyosesis upang mapaglingkuran ang bawat nasasakupang pamayanan lalo na ang malalayong lugar.
Tiniyak ni Bishop Cabrera ang patuloy na suporta at panalangin para sa ikaapat na obispo ng Alaminos lalo na sa gawaing pagpapastol.
“I wish Bishop Jun that the Good Shepherd will shower him all the blessings, I know he is a very good bishop and priest to lead his flock. We wil continue to pray for him,” pahayag ni Bishop Cabrera sa himpilan.
January 28 nang italaga ng Santo Papa Francisco si Bishop Sipalay na kahalili kay noo’y Bishop Ricardo Baccay na itinalagang arsobispo sa Tuguegarao noong October 2019.
Pinasalamatan din nito si Lingayen-Dagupan Auxiliary Bishop Fidelis Layog na nagsilbing Apostolic Administrator sa diyosesis habang sede vacante.
Dumalo sa episcopal ordination ang humigit kumulang 30 mga obispo ng bansa kabilang na ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na nagbahagi ng pagninilay habang nagpaabot din ng mensahe si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Pormal na iluluklok si Bishop Sipalay bilang ikaapat na obispo ng Alaminos sa March 19 kasabay ng kapistahan ni San Jose Kabiyak ni Maria sa Saint Joseph the Patriarch Cathedral Parish sa alas 10 ng umaga.
Si Bishop Sipalay ang ikatlong Filipinong Dominikano na itinalagang obispo sa bansa.