219,674 total views
Mga Kapanalig, hindi pa man tayo umaabot sa tinatawag na peak o pinakamatinding bahagi ng nagpapatuloy na El Niño, umabot na sa 151.3 milyong piso ang halaga ng pinsalang idinulot nito sa sektor ng agrikultura.
Ito ang pagtataya ng ating Department of Agriculture batay na rin sa datos na libu-libong tonelada ng palay at mais mula sa mahigit 3,000 na ektarya ng mga taniman ang nasira na dahil sa matinding tagtuyot. Ang mga pinakaapektadong magsasaka naman ay matatagpuan sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula. Binigyan na raw sila ng ating gobyerno ng tulong katulad ng mga buto ng gulay na maaari nilang itanim pansamantala at mga materyales sa pagtatanim ng mga tinatawag na high-value crops na kaunting tubig lang ang kailangan. Nagsimula ang El Niño noong Hulyo ng nakaraang taon at inaasahan ng PAG-ASA na matatapos hanggang sa Abril ngayong taon. Nakababahalang titindi pa ang negatibong epekto nito sa ating agrikultura. Noong isang taon nga, 0.7% lamang ang inilago ng halaga ng ating produksyon sa agrikultura at pangisdaan. Ang kalagayan ng sektor ng agrikutura ay may epekto naman sa ating ekonomiya.
Dapat itong bantayan ng lahat, lalo na ng gobyerno. Sa survey pa naman na ginawa ng Social Weather Stations (o SWS), apat lang sa sampung Pilipino (o 40%) ang umaasang bubuti ang kalagayan ng ating ekonomiya ngayong 2024. Ito ang pinakamababang economic optimism mula noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan nasa 30% lang noong Hulyo 2020 at 33% noong Setyembre 2020 ang nagsabing bubuti ang ekonomiya sa bansa. Ang datos ngayong 2024, na batay sa survey na ginawa noong bago matapos ang 2023, ay malayo rin sa 56% nang umupo sa puwesto si Pangulong Bongbong Marcos Jr noong 2022.
Kung magpapatuloy ang pinsala ng El Niño sa ating agrikultura at hindi maaagapan ang mga epekto nito, babagal ang paglago ng ekonomiya. Kung mahina ang ating ekonomiya, maraming kababayan natin, kasama na ang mga magsasaka at nakasalalay sa agrikultura, ang mahihirapang makaraos sa araw-araw.
Natural na phenomenon ang El Niño. Ibig sabihin, alam natin kung kailan ito sasapit at kailan ito magtatapos. Alam din natin ang mga epekto nito, lalo na sa sektor ng agrikultura. Sa Pilipinas, tagtuyot ang dala ng El Niño at mas mainit kaysa sa inaasahan ang temperatura. Dahil sa matinding init, ekta-ektaryang mga sakahan ang hindi magiging produktibo. Kung may mga tanim man, kakaunti ang magiging ani. Mababawasan ang tubig na magagamit para sa irigasyon dahil kakaunti o walang ulang magdadala ng tubig sa mga dam at sakahan. Mapipilitan ang ating magsasakang kumuha ng tubig mula sa ilalim ng lupa, at dagdag-gatos ito para sa kanila.
Kaya naman, mahalagang pinaghahandaan ng pamahalaan ang El Niño twuing sumasapit ito. Sa laki ng halaga ng pinsalang dala nito mula noong isang taon, mukhang kulang pa ang ating paghahanda at pagtugon. Sa dulo, ang mamamayan—lalo na ang mga magsasaka at ang mahihirap—ang magtitiis. Ito sana ang mas pinagtutuunan ng pansin ng ating mga pinuno—sa halip na ang pagbabago ng Konstitusyon at paggatong sa alitan ng mga magkakaaway na pulitiko. Maging babala sana ang sinasabi sa Mga Kawikaan 21:13, “Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap, daraing din balang araw ngunit walang lilingap.” Dumaraing ang ating mga magsasaka at mga dukhang walang makain. Naririnig ba sila ng mga nasa poder? Masasabi ba nating may pagkiling sila sa mahihirap, na mahalagang prinsipyo ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan?
Mga Kapanalig, ang pagtugon natin tuwing El Niño ay hindi lang dapat pangmatagalan at batay sa siyensya. Nakatuon din dapat ito sa kapakanan ng mga kapatid nating pinakamaaapektuhan.
Sumainyo ang katotohanan.