26,413 total views
Ipinaabot ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang pakikiisa sa mga magsasaka, kanilang pamilya kabilang ang mga kababaihan at kabataang nasa sektor ng pagsasaka sa ginaganap na ikawalong Global Conference of the World Rural Forum.
Ang mensahe ng Santo Papa ay upang maiparating sa mga kinauukulan ang kailangang suporta ng mga magsasaka dahil sa kakulangan ng oportunidad at kahirapan.
“Despite the leading role they play in the progress of their peoples and their significant contribution to global food production, they continue to be affected by poverty and scarcity of opportunities,” mensahe ni Pope Francis sa World Rural forum.
Binigyan diin ng Santo Papa ang mahalagang papel ng mga kabataan at kababaihan sa pagpapaunlad sa sektor ng pagsasaka.
Kinilala ni Pope Francis ang katangi-tanging sakripiso ng mga kababaihang magsasaka para itaguyod ang pangangailangan ng pamilya.
Hinimok naman ng Santo Papa ang mga kabataan na pangunahan ang pagpapaigting sa mga hakbang para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga magsasaka at maging boses ng sektor sa kanilang pangangailangan.
“Rural women represent a sure compass for their families, a solid fulcrum for the progress of the economy, especially in developing countries, where they are not only beneficiaries but real drivers of progress in the societies where they live, the real revolution for the future of food begins with the formation and empowerment of the new generations,” ayon pa sa mensahe ng Santo Papa.
Sa datos ng Philippine Institute for Development Studies, 22-porsiyento ng kabuoang Philippine workforce ay mula sa agricultural sector at 30-porsiyento ng mga manggagawa sa agrikultura ay kabilang sa pinakamahihirap na sektor sa Pilipinas.
Upang matugunan ang kahirapan at makamit ang food security sa Pilipinas, isang libong scholars ng Caritas Manila Youth Servant Leadership Education Program (YSLEP) ang kumukuha ng Agricultural degree.
Ayon kay Father Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas at Executive Director ng Caritas Manila, ang edukasyon ay mabisang paraan upang makaahon sa kahirapan ang mga mahihirap na Pilipino.