23,426 total views
Nababahala si Tagbilaran, Bohol Bishop Alberto Uy hinggil sa lumalalang pag-init ng panahong nararanasan sa buong bansa.
Ayon kay Bishop Uy, ang tumataas na temperatura ng kapaligiran ay sanhi ng climate change dahil sa patuloy na pang-aabuso at pananamantala ng tao sa kalikasan.
Sinabi ng obispo na ang mga sakuna at kalamidad na nararanasan ng mga tao ay nagmimistulang ganti ng kalikasan.
Aniya, ang mga pagbabagong ito sa kapaligiran ang katotohanang dapat tanggapin at higit na maunawaan ng mga tao.
“God always forgives, men sometimes forgive, but creation never forgives. If you destroy creation, creation will destroy you. Ito ang katotohanan, ayaw natin mapagsabihan kasi masakit ang katotohanan,” pahayag ni Bishop Uy.
Sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), naitala ang 44-degrees Celsius heat index sa Catarman, Northern Samar.
Panawagan naman ni Bishop Uy sa lahat na higit pang isabuhay at ipalaganap sa kapwa ang pagiging responsableng katiwala ng sangnilikha upang makatuwang sa pagtugon sa lumalalang pag-init ng kapaligiran.
Paalala din ng obispo na ingatan ang kalusugan laban sa mga karamdamang maaaring makuha mula sa labis na init ng panahon