137,377 total views
Kapanalig, malayo na ang narating ng mga kababaihan sa ating bayan, pero malayo pa rin sila sa ideal – sa kaganapan ng kanilang pagkatao at sa pag-abot ng kanilang fullest potential bilang tao.
Marami mang Filipina ngayon ang namamayagpag sa iba ibang arena at karera sa loob at labas ng bayan, marami pa rin sa kanila ang nakukulong sa mga gender expectations at stereotypes, pati na rin sa pang-aabuso at karahasan.
Hanggang ngayon, kapanalig, base sa 2022 National Demographic and Health Survey, marami pa ring mga Filipina ang nabubugbog o sinasaktan sa kanilang sariling tahanan. Mga 18% pa rin sa ating mga kababaihan ang nakakaranas ng pisikal, sekswal, o emotional abuse mula sa kanilang mga partners. At sa mga sinasaktan, marami ang nagtitiis o nagtitimpi na lamang. 2 sa 5 babaeng nakakaranas ng karahasan ay hindi nagsusumbong o nanghihingi ng tulong.
Marami rin sa mga kababaihan natin, lalo na mga bata, ang nabibiktima ng gender at sexual violence. Tinatayang mga dalawang milyong bata ang biktima ng online sexual abuse and exploitation sa ating bansa.
Marami ring mga batang Filipina ang hindi naabot ang kanilang potensiyal dahil sa maagang pag-aasawa at pagbubuntis. Prevalent pa rin ang child marriage dahil umaabot sa 286,000 o mga 5.6% ng mga Filipinang may edad 15 to 19 ay may asawa na o kinakasama. Marami rin ang nagiging batang ina. Tumaas ngayon ng 35% ang total live births sa mga babaeng may edad 10 to 14.
Ang mga ganitong isyu kapanalig, ay malaking hadlang sa tunay na kasulungan ng kababaihan sa ating bayan. Marami mang pagbabago na ating nagawa para sa kalayaan at progress ng Filipina, hanggat hindi natin nabibigyan ng solusyon ang karahasan sa kababaihan, ang child marriages, at teenage pregnancies, dehado pa rin sila. Wala dapat maiiwan kapag development at equality ang usapan.
Targeted interventions ang kailangan dito, kapanalig. Ang karahasan at pang-aabuso sa kababaihan, halimbawa, ay sensitibong usapin na kailangan ng urgent action dahil ang babae ay binibiktima at kadalasan ay walang lakas ng loob para magsumbong o humingi ng tulong, lalo pa’t ang mga taong dapat nag-aaruga sa kanila ay siyang kanilang mga abusers. Ang teenage marriages at pregnancies naman ay sensitibo din, at nangangailangan ng komprehensibo at agarang pagkilos, gaya ng information dissemination, education, at support.
Kapanalig, ang mga ganitong isyu ng kababaihan ay labag sa kanilang karapatang mamuhay ng malaya, masaya, at may dignidad. Hindi lamang ito ukol sa katarungan, kundi sa pagmamahal sa kapwa, kahit ano pa ang kanyang kasarian. Ang isang kristiyanong lipunan na tunay na nagmamahal sa kanilang mga kapwa ay hindi dapat pumapayag na may kahit sinong miyembro nila ang nakakaranas ng pang-aapi. Sabi nga sa Gaudium et Spes, love goes beyond what justice can achieve.
Sumainyo ang Katotohanan.