7,202 total views
Paggunita kay San Estanislao, Obispo at Martir
Mga Gawa 5, 27-33
Salmo 33, 2 at 9. 17-18. 19-20
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Juan 3, 31-36
Memorial of St. Stanislaus, Bishop and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 27-33
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ang mga Apostol ay siniyasat ng pinakapunong saserdote. “Mahigpit naming ipinagbawal sa inyo ang pangangaral sa pangalan ng Hesus na iyan,” wika niya, “ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong aral, at ibig pa ninyo kaming panagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin, hindi ang tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Hesus na pinatay ninyo nang inyong ipabitay sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataon ang mga Israelita na magsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan, at sa gayun, sila’y patawarin. Saksi kami sa mga bagay na ito – kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga tumatalima sa kanya.” Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at ibig nilang ipapatay ang mga apostol.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2 at 9. 17-18. 19-20
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
o kaya: Aleluya!
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Nililipol niya yaong masasama
hanggang sa mapawi sa isip ng madla.
Agad dinirinig daing ng matuwid,
inililigtas sila sa mga panganib.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
Tumutulong siya sa nasisiphayo
ang walang pag-asa’y hindi binibigo.
Ang taong matuwid, masuliranin man,
sa tulong Poon, agad maiibsan.
Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.
ALELUYA
Juan 20, 29
Aleluya! Aleluya!
Mapalad at maligaya
ang sumasampalataya
sa di nakita ng mata!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 3, 31-36
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon: sinabi ni Hesus kay Nicodemo:
“Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. Pinatototohanan niya ang kanyang nakita at narinig, ngunit walang maniwala sa kanyang patotoo. Ang naniniwala sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na tapat ang Diyos. Sapagkat ang sinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos; at walang sukat ang kanyang pagkakaloob ng Espiritu Santo. Minamahal ng Ama ang Anak, at ibinigay sa kanya ang kapamahalaan ng lahat ng bagay. Ang nananalig sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak, hindi nagkakaroon ng buhay – mananatili sa kanya ang poot ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes
Tayong mga tumanggap ng buhay ni Jesus ay tinatawagang mamuhay nang lubos ayon sa kanyang mga aral.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ibuhos Mo ang iyong espiritu.
Ang Simbahan, sa pamamagitan ng mga pinuno nito, nawa’y buong tapang na humarap sa hamon ng patuloy na pagbabago, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang pamahalaan nawa’y manindigan sa kanyang pagsisikap na makapagbigay ng mataas na uri ng paglilingkod sa mga mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga nangangailangan nawa’y hindi natin isara ang ating mga puso at pagsikapan nating makibahagi sa misyon ni Kristo ng pagpapagaling at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong nagdurusa sa sakit na walang lunas nawa’y palakasin ng kanilang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng nakapagpapagaling na biyaya sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, namuhay bilang isang tao ang iyong Anak upang ibahagi sa amin ang iyong buhay. Ipagkaloob mo na maging matatag kami sa aming pananampalataya sa kanya upang makapamuhay kami nang may pananagutan bilang iyong mga anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.