35,149 total views
Homily April 7, 2024
2nd Sunday of Easter Cycle B Divine Mercy Sunday
Acts 4:32-35 1 Jn 5:1-6 Jn 20:19-31
Ang muling pagkabuhay ay hindi lang tagumpay ni Jesus. Tagumpay ito ng buong katawan ni Kristo kaya kasama tayong lahat diyan kasi kaisa tayo ng katawan ni Kristo. Narinig natin sa ating ikalawang pagbasa, napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Nananampalataya tayo na si Jesus ay ang anak ng Diyos. Ang pinakaprueba nito ay ang kanyang muling pagkabuhay.
Hindi madali na maniwala sa muling pagkabuhay ni Jesus. Pinakita ito sa atin ni Tomas. Hirap siyang maniwala kahit na sinasabi ng lahat ng mga kasama niya na talagang buhay si Jesus kasi nakita nila siya. Hindi makapaniwala si Tomas dahil absent siya sa grupo. Iyan ang problema ng mga taong absent sa grupo, absent sa community sa kanilang pagmimisa o kanilang pagpupulong. Hirap silang pasundin sa common experience, kasi wala sila doon. Hindi ba iyan din ang nararanasan natin sa mga Kristiyano na palaging absent sa misa? Mababaw ang kanilang pananampalataya at mahirap silang makiisa sa gawain at programa ng simbahan. Pero noong present na si Tomas sa grupo sa ikalawang Linggo at nagpakita uli si Jesus, natunaw ang kanyang pagdududa. Naranasan niya si Jesus na muling nabuhay. Nanalig na siya. Hindi lang niya nakilala si Jesus. Kinilala niya siya na Panginoon at Diyos. Lumuhod siya. Sinamba na niya siya. Kaya mga kapatid, makiisa palagi tayo sa community. Huwag tayong maging absent sa ating mga pagtitipon. Dito mapapalakas ang ating pananampalataya. Dito tayo makikiisa sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Jesus. Makikilala natin si Jesus sa ating pakikiisa sa simbahan.
Napakalakas ang kapangyarihan ng pananampalataya sa muling pagkabuhay na natatalo nito ang tanikalang kumakadena sa puso ng mga tao ngayon – ang kadena ng kasakiman at pagkamakasarili na dinadala ng pera at ating mga material na ari-arian. Bahagi ito ng sanlibutan na kailangan nating pagtagumpayan! May nagsasabi na hindi pa malakas ang pananampalataya kundi hindi pa nito nabubuksan ang pitaka at napapaluwag ang bulsa. Madaling magsabi na naniniwala siya sa Diyos, na mahal niya ang Diyos, basta huwag lang pakialaman ang kanyang pitaka, huwag lang humingi sa kanya ng kontribusyon.
Pero makikilala natin na talagang totoo at malalim ang pananamapalataya ng mga unang kristiyano sa Jerusalem at tunay ang kanilang pagkakaisa sa puso’t damdamin na hindi na nila itinuturing na kanila ang kani-kanilang ari-arian. Pinagbibili nila ang kanilang mga lupa’t bahay at ang pinagbilhan ay ibinibigay sa mga apostol at ibinabahagi naman ito sa mahihirap sa kanila. Kaya napakalaki ang transformation na nangyari sa kanilang community. Walang nagdarahop sa kanila. Natutugunan ang pangangailangan ng lahat kasi wala na ring mayaman sa kanila. Ang kanilang pagbabahaginan ang naging maliwanag na tanda na kumikilos sa piling nila ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay, na natatalo na nila ang pagkamakasarili. Kaya naging kapani-paniwala ang pahayag ng mga apostol tungkol kay Jesus na muling nabuhay.Successful ang kanilang preaching. Marami ang naniwala. Nakikita at nararamdaman ang pananampalataya sa Christian community.
Ito rin ang sinisikap nating maranasan sa ating pagbabalik handog ng yaman. Kung talagang naniniwala tayo na buhay ang Panginoon at hindi niya tayo pababayaan, hindi na tayo matatakot na maging generous sa pagbabalik handog ng ating kayamanan, kahit na nga magbigay ng 10%. Kung naibigay na ni Jesus ang kanyang buhay sa atin, pababayaan ba niya tayo kung nagbibigay tayo ng ika-pu sa kanyang simbahan? Hindi naman pinabayaan ng Diyos Ama ang pag-aalay ni Jesus. Binuhay siyang muli. Hindi din tayo pababayaan kung tayo ay nagbabahagi ng ating yaman. Pagpapalain din tayo.
Noong taong 2000 idiniklara ni Papa Juan Pablo ikalawa na ang second Sunday of Easter as Divine Mercy Sunday. Sa linggong ito pinapaalaala sa atin ang dakilang habag ng Diyos sa atin. Ang pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus ay talagang tanda ng habag ng Diyos. Kusa itong ginawa ni Jesus para sa atin. Hindi siya napilitan. Wala tayong karapatan dito. Hindi pa nga tayo karapat-dapat sa kaligtasang ito dahil sa ating kasalanan at patuloy na pagkakasala. Kung ito ay ginawa ni Jesus, ito ay dahil lang sa habag niya. Naaawa siya sa ating kawawang kalagayan kaya inalay niya ang kanyang buhay para sa atin. Ang pagkabuhay ni Jesus ay tanda rin ng tagumpay ng kanyang habag. Matatalo natin ang ating pagkamakasarili dahil mahabagin ang Diyos. Tanggapin natin ang kanyang awa. Huwag tayong magpadala sa discouragement o sa ating katigasan ng ulo na magpabaya na lang sa ating kasamaan. Mapagtatagumpayan natin ito kasi mahabagin ang Diyos sa atin.
Ang kaligtasan po ay biyaya ng Diyos. Hindi ito ating kagagawan. Mahabagin ang Diyos sa atin. Tanggapin natin ang kanyang awa. Manalig tayo na anuman ang mangyayari, may kaligtasan pa rin. Kailangang kailangan natin ng mensaheng ito ngayong panahon na parang hindi mapigilan ang katigasan ng puso sa mundo. Nawala na ang awa sa puso ng tao. Sumusulong ang El Nino at ang global warming at ramdam na ramdam nating lahat ang matinding init ng panahon, pero iyan patuloy pa ang pagmimina at pagtatayo ng coal power plant. Huwag tayong magpalinlang. Wala pang responsible mining sa ating panahon ngayon lalo na sa Filipinas. Walang clean coal – walang malinis na uling! Nasaan na ang awa natin sa kalikasan? Ang dami nang namamatay ng gutom, patuloy pa rin ang magbobomba ng Israel sa Gaza. Hindi nila pinapapasok sa Gaza kahit na ang pagkain at gamot sa halos dalawang milyong mga tao. Kung ang dinadahilan ng mga Israelis na may karapatan sila sa lupa sa Israel, di ba may karapatan din ang mga Palestinians sa lupa at sa kanilang buhay? 1,200 lang ang napatay na mga Israelis noong October 7, mula noon hanggang ngayon, halos anim na buwan na ang nakaraan, 32,000 na mga Palestinians ang kanilang pinatay – 14,000 doon ay mga bata. Ang tigas ng puso ng mga Israelis at ng mga bansang nagbibigay sa kanila ng armas. Nasaan na ang awa sa kapwa tao? Ganoon din, matigas ang ulo ng mga Russians sa Ukraine. Higit na dalawang taon ang pag-gegiyera nila. Parang wala tayong magawa sa katigasan ng puso dito sa mundo. Tumawag tayo at umasa tayo sa Diyos na mahabagin. Maawa ka sa amin, Diyos na mahabagin. Sa iyo lamang kami umaasa. Palambutin mo ang puso naming mga tao. Ito ang dasal natin sa Divine Mercy:
Holy God, Holy Mighty God, Holy Immortal One, have mercy on us and on the whole world. (repeat 3 times)