70,866 total views
Mga Kapanalig, napanood ba ninyo sa balita ang nangyari sa mga barko ng Pilipinas at sa mga sakay ng mga ito habang nagsasagawa ng tinatawag na rotation and resupply mission para sa ating mga sundalong nasa BRP Sierra Madre na nakahimpil sa Ayungin Shoal? Nangyari ang insidente Sabado bago ang mga Mahal na Araw. Magdadala sana ng suplay ang ating Philippine Supply Vessel Unaizah May 4 sa nakasadsad na barko.
Nakunan ng video ang ginawang pambobomba ng tubig sa ating barko ng Chinese Coast Guard vessels. Sa tindi ng pambobomba ng tubig, nagtamo ng matinding pinsala ang supply boat. Pitong Philippine Navy personnel ang nasugatan. Ito na ang pangalawang beses noong Marso na tinarget ng Chinese Coast Guard ang ating mga sasakyang pandagat. Una nang nabasag ang windshield ng Unaizah May 4 at nasaktan din ang mga sakay nito dahil din sa pambobomba ng tubig ng mga dayuhan.
Ayon sa mga tagapagsalita ng China, patuloy na nilalabag ng Pilipinas ang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa kung saan pumayag daw tayong alisin ang BRP Sierra Madre. Itinanggi ito ng administrasyong Marcos. Kasunod nito, inamin ng dating tagapagsalita ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty Harry Roque na may “gentleman’s agreement” ang mga lider ng dalawang bansa. Ngunit nilinaw niyang hindi pumayag ang dating presidente na alisin ang barkong nakasadsad sa teritoryong nakapaloob sa ating exclusive economic zone (o EEZ). Status quo o walang galawang mangyayari ang nakapaloob daw sa gentleman’s agreement. Ayon sa dating spokesperson, nagkamali siguro ng intindi ang China sa naturang kasunduan.
Ilang buwan na ring umuugong ang bali-balitang may presidente nga tayong nakipagkasundo sa China para alisin ang BRP Sierra Madre. Maikling kasaysayan muna: ang barkong ito ay nakaistasyon sa Ayungin Shoal mula pa noong 1999. Ito ay upang igiit ang ating pagmamay-ari sa bahaging ito ng Spratly Islands na nakapaloob sa ating EEZ. Simbolo na nga ang BRP Sierra Madre ng ating magiting na paninindigan para sa teritoryong dapat na nasa ilalim ng ating pangangasiwa ngunit pilit na inaagaw ng China. Una nang inakusahan sina dating pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo na pumayag na alisin na ang BRP Sierra Madre. Kapwa nila itinanggi ang kasunduan, ngunit sa pag-amin ni Ginoong Roque, may mga nagsasabing si dating Pangulong Duterte ang tila ba nagsuko sa ating karapatan sa Ayungin Shoal. Siyempre, ayaw itong kumpirmahin ng kampo ng dating presidente.
Nakalulungkot na sa kabila ng pagpanig sa Pilipinas ng Permanent Court of Arbitration ukol sa isyu ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, may mga lider tayong hindi ito ipinaglaban. Nanatiling tikom ang kanilang mga bibig sa harap ng napakarami nang insidente ng pagha-harass sa ating Philippine Coast Guard at maging sa ating mga kababayang mangingisda. Ayaw lang daw nilang makipaggiyera sa China. Pero sino ba ang nagsabing makipaggiyera tayo sa isang malaking bansa?
Sa isang pahayag noong Pebrero bilang reaksyon sa pagtataboy sa ating mga mangingisda, sinabi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) na magpursige sana ang gobyerno na mapayapang lutasin ang isyu sa West Philippine Sea. Hindi kailanman magiging “moral option” ang pakikipagdigmaan. Ang kailangan ay patatagin ang ating ugnayan sa mga bansang kumikilala rin sa ating karapatan sa inaagaw na mga isla at karagatan. Hindi sapat ang mga salita, dagdag ng mga obispo, upang ipaglaban ang mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa atin, mga biyayang laman ng karagatan.
Sa huli, mga Kapanalig, ang kailangan ay isapubliko ang mga sikretong kasunduang inilalagay sa peligro ang buhay ng ating mga kababayan. Katulad ni Hudas sa Mateo 27:3-4, may pagkakataon pang magsisi ang mga “nagkasala [at] ipinagkanulo” ang kanilang kapwa—o mismong bayan.
Sumainyo ang katotohanan.