274 total views
Singilin ang mga negosyanteng hindi nagbabayad ng buwis.
Ito ang inihayag ni Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo sa isyu ng pagsusulong ng Tax Reform Program ng economic managers ng Duterte administration kung saan unang apektado ang mga ordinaryo at mahihirap na Pilipino.
Ayon kay Bishop Arigo, dapat pagtuunan ng pamahalaan sa reporma sa pagbubuwis ang pagtutok sa ilang mga oligarchs na hindi nagbabayad ng kanilang buwis bagkus lalo lamang silang pinapaboran.
Nakikita rin ni Bishop Arigo na bagaman lumalago ang ekonomiya ng bansa ay iilan lamang ang nakikinabang rito at hindi pa rin napapa – abot ang serbisyo sa mga mahihirap.
“Yung ating mga oligarchs, yung malalaking business iyan ang dapat talagang habulin ng BIR. Kasi alam niyo naman ang problema ng ating economy unequal distribution of wealth. Sabi nga sa isang diyaryo, yung 8 persons they owned the ½ riches of the world. Sa Pilipinas more or less ganiyan rin. Ilang pamilya lang ang may ari ng ½ ng Pilipinas.”pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Radyo Veritas.
Nabatid na sa inisyal na panukalang inihain ng Department of Finance ay nais nitong palawakin ang Value Added Tax base sa pamamagitan ng paglilimita sa exemption sa mga hilaw na pagkain, edukasyon at kalusugan subalit nangangahulugan ito ng pagbabaklas sa VAT exemption para sa halos 7.5 milyong nakatatanda at 1.4 na milyong may kapansanan.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika, mahalagang alalahanin ang kabutihang pangkalahatan sa anumang reporma na gagawin ng mga pamahalaan.