10,397 total views
Nakikiisa ang Alyansa Tigil Mina sa panukala ni Senator Risa Hontiveros na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa epekto ng pagmimina at quarrying sa bansa.
Layunin ng Senate Resolution No. 989, ang paghihikayat sa mga mambabatas sa senado na imbestigahan ang malawakang pinsalang dulot ng pagmimina at quarrying sa kalikasan, maging sa buhay ng mga apektadong pamayanan.
Ayon kay ATM national coordinator Jaybee Garganera, ang panukala ni Hontiveros ay maituturing na hakbang upang maisaayos ang mga batas kaugnay sa pagmimina at quarrying.
“We welcome the proposed Senate Resolution as there are numerous reports involving human rights violations, legal violations and environmental damages brought about by mining and quarrying activities,” pahayag ni Garganera.
Imininungkahi naman ni Garganera ang pagkakaroon ng diyalogo sa pagitan ng mga apektadong pamayanan, Department of Environment and Natural Resources, Department of the Interior and Local Government, at iba pang ahensya ng pamahalaan upang tugunan ang mga alalahanin at matukoy ang saklaw ng mga negatibong epekto ng mga mapaminsalang operasyon sa kalikasan at lipunan.
Umaasa rin ang ATM na maisabatas ang alternative minerals management bill upang maisaayos ang pagmimina at paggamit ng mineral sa bansa.
“We hope that an investigation into the effects of these operations would eventually dissuade the national government from aggressively pursuing mining… There is an urgent need to repeal Republic Act No. 7942 or the Mining Act of the Philippines and replace it with a law that is responsive to the needs and concerns of the affected communities,” ayon kay Garganera.
Batay sa huling tala ng DENR-Mines and Geosciences Bureau, nasa 50 minahan ang kasalukuyang nagsasagawa ng operasyon, at nakakalikha ng higit 102 bilyong pisong ambag sa gross domestic product ng bansa.
Gayunman, una nang sinabi ng ATM na ito’y isang porsyento lamang ang ambag sa ekonomiya ng bansa at labis ang pinsala sa kalikasan at buhay ng mamamayan.