13,840 total views
Maglulunsad ng mga pagkilos ang simbahang katolika, iba’t ibang denominasyon, at makakalikasang grupo bilang patuloy na panawagang ihinto ang Manila Bay Reclamation Project, at paggunita sa Earth Day 2024.
Ito ang People’s Earth Day Gathering to Defend Manila Bay na isasagawa sa Sabado, April 20, 2024 mula alas-dos hanggang alas-5:30 ng hapon.
Simula alas-dos hanggang alas-3:30 ng hapon ay isasagawa sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Grace sa Grace Park-East Caloocan City ang Reflection Circle na may paksang Padaluyin ang Katarungan Gaya ng Ilog.
Susundan naman ito ng Solidarity Action and Human Chain Formation ganap na alas-4:30 hanggang alas-5:30 ng hapon sa Navotas City Fountain.
Hinihikayat din ang mga nais makilahok na magdala ng sumbero at tubig, at magsuot ng asul, berde, o puting damit—mga kulay na sumasagisag para sa kalikasan.
Inorganisa ito sa pangunguna ng EcoConvergence at Diocese of Kalookan – Ministry of Ecology katuwang ang People’s Network for the Integrity of Coastal Habitats and Ecosystems, Ecumenical Bishops Forum, National Council of Churches in the Philippines, Promotion of People’s Church Response, at Defend Manila Bay.
Magugunita noong Oktubre 2023 nang isagawa ang “Save Our Sunset, Save Manila Bay: Human Chain against Manila Bay Reclamation” sa Manila Baywalk sa Roxas Boulevard, Manila bilang pagpapahayag ng mariing pagtutol at manawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maglabas ng suspension order laban sa reklamasyon sa Manila Bay.
Maliban sa Metro Manila, apektado rin ng reklamasyon sa Manila Bay ang mga coastal area at pamayanan sa lalawigan ng Cavite, Bulacan, at Bataan.