172 total views
Patuloy ang monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa sitwasyon ng mga lugar na binabaha ngayon sa Visayas at sa Mindanao.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Romina Marasigan, nagpadala na sila ng ayuda sa libo-libong apektado ng baha maging ang mga lokal na pamahalaan, ang Department of Health (DOH) at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kasalukuyan, ayon sa NDRRMC, nasa 8, 100 pamilya pa ang nasa iba’t-ibang evacuation centers sa Cebu, Zamboanga del Norte, Misamis Oriental, Agusan del Sur, Agusan Del Norte, Surigao Del Norte, Davao Oriental at Compostela Valley.
Nasa 9 naman ang naitalang nasawi, 10 ang nasugatan at 2 ang nawawala sa patuloy na pag-ulan at pagbaha, dulot ng Northeast Monsoon o Amihan sa 2 rehiyon.
“Tuloy ang monitoring namin sa latest count 8,100 families ang nasa evacuation centers binibigayan na sila ng ayuda ng DSWD, DOH, LGUs. Nagmula sa iba’t-ibang lugar ang mga ito gaya sa Cebu, Zamboanga del Norte, Misamis Oriental, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Davao Oriental, at Compostela Valley kung saan 9 na ang naitalang namatay, 10 ang injured ar 2 ang missing.” pahayag ni Marasigan sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, aktibo na rin sa pagtulong ang mga Social Action Center ng mga diocese na apektado ng pagbaha sa 2 rehiyon kung saan gumagamit pa sila ng rubber boat para mapasok ang mga parokya at maibigay ang mga relief goods sa mga residenteng nabaha.