23,353 total views
Umaapela ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay seguridad at katarungang panlipunan sa Negros island.
Ito ang mensahe ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Vice-President ng Caritas Philippines bilang suporta sa isinasagawang 24-hour Fasting Protest ng mga political prisoners sa Negros island upang ipanawagan sa Commission on Human Rights (CHR) ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa mga kaso ng human rights violations sa lalawigan.
“Sinusuportahan natin ang kahilingan talaga ng ating mga political prisoners kasama ang kanilang mga family and friends na mapakinggan na sila lalo na dito yung mga taga-Negros po.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na personal na ibinahagi ng mga kawani ng CHR sa Negros Occidental ang hindi pag-usad ng kanilang imbestigasyon dahil sa hindi pagbabahagi ng mga datos at iba pang mahahalagang impormasyon ng mga pulis at militar sa lalawigan.
Iginiit ni Bishop Alminaza na nararapat magtulungan ang mga ahensya ng pamahalaan lalu na ang mga security forces upang matugunan ang pagbibigay seguridad at kaligtasan ng mamamayan gayundin ang pagpapanagot ng mga nasa likod ng karahasan at paglabag sa karapatang pantao.
“Actually, nagbisita na ako sa kanilang office, nakausap ko na yung kanilang encharged dito at talagang they are also trying their best kaya lang yung as is was also in the news, ayaw ibigay sa kanila yung mga files ng military at saka police. So yun na nga I’m appealing to both CHR and yung ating mga nasa security forces saka iba pang government agencies na magtulong tulong tayo para naman matugunan yung demands of justice saka kung may mga alleged human rights violations talaga ma-investigate at mapatunayan na either wala o meron.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Binigyan diin ng Obispo na mahalagang manaig sa lipunan ang kaligtasan at pagpapahalaga sa dignidad ng bawat mamamayan.
Ayon kay Bishop Alminaza, “Yung international humanitarian law ma-observe din kasi based yan sa ating basic human dignity ang human rights, so sana nga matulungan ang CHR na ma-investigate kasi ito din naman ay government body na talagang tasked to precisely look into possible human rights violations so sana mag-cooperate yung other agencies of government para magawa nila yung kanilang tungkulin.”
Batay sa monitoring ng Negros Occidental Chapter ng Kapisanan para sa Pagpapalaya ng mga Detinidong Pulitikal sa Pilipinas o grupong KAPATID, mula Hulyo ng taong 2022 ay umaabot na sa 128 ang bilang ng political prisoners sa Negros island na resulta ng counter-insurgency drive ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, nagpapatuloy naman ang pagpapatunog ng kampana ng buong Diyosesis ng San Carlos sa Negros Occidental kung saan nasasaad sa Pastoral Appeal ni Bishop Alminaza na may titulong ‘Exhortation to Government to Act on Ending the Killings’ noong ika-28 ng Hulyo ng taong 2019 ang pag-aatas ng Obispo sa lahat ng mga parokya, mission stations at religious houses sa diyosesis na magpatunog ng kampana tuwing ganap na alas-otso ng gabi hanggang sa tumigil ang karahasan sa lalawigan.