56,819 total views
Mga Kapanalig, ang inyong mga anak, gaya ng sabi sa Mga Awit 127:3, ay mga pagpapalang kaloob ni Yahweh. Bilang mga regalong galing sa ating Diyos, paano ninyo ipinakikita ang pagpapahalaga sa inyong mga anak? Siguro, ang pinakamadaling sagot dito ay ang pagbibigay ng kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, tirahan, at damit. Ayon sa Child and Youth Welfare Code, kakabit ng tatlong pangangailangan na ito ang karapatan ng kabataan sa sapat na medikal na atensyon at iba pang mga bagay na makatutulong sa kanilang maging malusog at masigla. Para sa inyo, kabilang kaya ang pagpapabakuna dito?
Sa unang tatlong buwan ng taong ito, binulaga tayo ng pagkalat ng pertussis o whooping cough. Ayon sa Department of Health (o DOH), bunga ang pagtaas ng mga kaso ng sakit na ito ng pagtigil ng pagpapabakuna noong lockdown dulot ng pandemya. Mahigit kalahati ng mga naitalang kaso ng pertussis ay mga batang edad 5 pababa. Ito rin ang edad ng 54 na namatay dahil sa sakit na ito simula ngayong buwan.
Sa kasagsagan nito, inilabas din ng World Health Organization ang kanilang 2024 Global Hepatitis Report kung saan kabilang ang Pilipinas sa sampung bansa na nag-contribute sa two-thirds ng mga kaso ng hepatitis sa buong mundo. Ayon kay Health Secretary Teddy Herbosa, ang mahigit anim na milyon na kaso ng hepatitis sa bansa ay dahil din sa kakulangan sa pagpapabakuna.
Ang mga sakit na ating nabanggit ay maiiwasan sana sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Kaya naman, ipinaalala ng DOH na may libreng tatlong doses ng pentavalent vaccine para sa kabataan na maaaring makuha sa mga barangay health center. Ang pentavalent vaccine ay pumoprotekta mula sa limang nakamamatay na sakit, kabilang na ang pertussis at hepatitis. Sabi pa ni Secretary Herbosa, kung hindi raw mapatataas muli ang pagpapabakuna ng kabataan, iba’t ibang sakit na kaya sanang iwasan sa pagpapabakuna ang maaaring kumalat.
Ngayong masasabi nating back-to-normal na nga tayo mula sa pandemya, at nakikihalubilo na tayo muli sa isa’t isa, oras na siguro para makamit ang herd immunity, kung saan karamihan ng mga tao ay protektado na mula sa mga nakahahawang sakit. Dalhin natin ang mga na-lockdown na kabataan noon sa mga barangay health center ngayon upang makapagpabakuna. Huwag natin hahayaang manatili ang Pilipinas sa top five na mga bansang may pinakamaraming mga batang hindi bakunado.
Siguro naman ay sariwa pa sa isip nating lahat ang naging magandang dulot ng pagpapabakuna noong kasagsagan ng pandemya. Mula sa matinding takot, hawaan, at dami ng nasawi, ang pagpapabakuna ng karamihan ng populasyon ay nagdulot ng herd immunity at pagkakaroon ng back-to-normal na pamumuhay. Sa mga sakit na kayang-kayang iwasan sa pagpapabakuna, huwag na sana nating hintayin pang dumami ang mga nasasawing kabataan. ‘Ika nga, prevention is better than cure.
Mga Kapanalig, alagaan nating mabuti ang mga regalong kaloob sa atin ni Yahweh. Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin ang pagtingin sa bawat bata bilang isang regalo. Sila rin ay may magagawang kontribusyon tungo sa kabutihang panlahat. Upang masuportahan ang kabataan sa pagkamit nito, tiyakin natin ang kalusugan nila sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
Sumainyo ang katotohanan.