62,404 total views
Kapanalig, usong uso na ang farm lots sa ngayon. Kapag sumilip ka sa social media, ang daming nagbebenta ng mga lupang agrikultural. May mga mahal, may mga mura. May mga rights lang na tinatawag, may mga may titulo o certificates. Madami ang nais bumili, kapanalig, kaya nga’t tumataas ng tumataas ang halaga ng mga farm lots. Dagdag pa dito ay ang dami rin ng mga developers na bumibili ng mga farmlands at kino-convert ito bilang commercial at residential lands.
Ironic ito kapanalig, dahil habang marami ang nagbebenta ng farm lots, marami ring mga magsasaka ang nanatiling landless hanggang ngayon. Para sa maraming bumibili ng farm lots, hobby lang o bakasyunan ang hanap, pero para sa maraming magsasaka, kabuhayan ito. Dahil sa trend na ito, para bang bumabalik ngayon ang dating panahon na ang maykaya lamang ang may hawak ng lupa, at etsa puwera ang maliliit na agrikultural na manggagawa. Ang ganitong pangyayari ay nagpapawalang-saysay sa agrarian reforms sa bayan.
Kailangan na natin uling masusing pag-aralan ang agrarian reform at ang land policy ng ating ating bayan. Unang una, marami sa mga nabibiyaan ng lupa dahil sa agrarian reform ay naghihirap pa rin – hindi nila kayang isustain ang produksyon dahil malaking halaga ang kailangan. Marami sa mga beneficiaries ay nakatanggap ng mahigit isang hektaryang lupain, at marami sa kanila, kulang ang kaalaman at kakayahan na mas pagyamanin pa ang mga lupang kanilang natanggap. Kailangan pang palakasin ang support services ng Department of Agrarian Reform upang hindi lamang nakatutok sa land disputes kundi pati sa technical, education, and marketing support.
Malaking tulong din sana kung ang private sector ay magbibigay suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng partnerships- gaya ng pamumuhunan at access to finance para sa mga modernong makinarya at teknolohiya. Maari silang makipag-partner sa mga kooperatiba ng mga magsasaka upang hindi lamang paisa-isang beneficiary ang makikinabang. Kapag may mga ganitong kagamitan ang mga magsasaka, mas lalaki ang kanilang produksyon, at malakihang business ventures ang kanilang magagawa.
Malakihan at mabilisang aksyon ang kailangan nito mula sa ating gobyerno. Unang una, kailangang natin ng matinong national land use policy na magbibigay gabay sa pag-gamit ng kalupaan sa ating bayan at maniniguro na makatarungan ang pag-gamit nito. Kailangan din na mas malawak at komprehensibong support services sa mga magsasaka, na isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bayan ngayon. Nasa 30% ang poverty incidence sa kanilang hanay.
Kapanalig, ayon sa Rerum Novarum, indispensable ang cultivation of land para sa lipunan. Sa mga gawaing gaya ito, ang estado o ang bayan ay umuunlad. “Justice therefore demands that the interest of the laborers – gaya ng ating mga magsasaka – should be carefully watched over by the government.” Malaking hamon ito para sa ating pamahalaan, isang hamon na sanay matapang at masipag nilang harapin.
Sumainyo ang Katotohanan.