18,435 total views
Pinag-iingat ang mamamayan sa posibleng mga sunog na mas pinalala pa ng tagtuyot at umiiral na El Niño phenomenon.
Sa panayam ng Veritas Pilipinas kay Sarah Kay Taa, Senior Fire Officer ng Trinity Volunteer Fire Department, bukod sa mga karaniwang dahilan ng sunog, maari ring pagmulan ng sunog ang labis na init ng panahon.
Ayon kay Taa, ang lahat ng mga kagamitan at bagay ay may tinatawag na burning point mula sa natural heat o mula sa araw na maaring sumiklab at maging sunog.
Inihalimbawa ni Taa ang nangyaring sunog sa parking area ng NAIA, kung saan sinasabing nagsimula sa mga tuyong damo na mabilis na kumalat dahilan upang masunog ang may 18 mga nakaparadang sasakyan.
Paalala pa ni Taa sa publiko na maging maingat at iwasan ang pagiging lantad ng mga sasakyan sa direct sunlight at pag-iiwan ng mga bagay na madaling masunog.
“Number one factor po natin ay ang natural heat o ang sunlight. Ang mga gamit po kasi natin lalo na sa bahay or kahit sa labas ng bahay is meron po ‘yang tinatawag na burning point,” ayon kay Taa
Ipinaliwanag ni Taa na ang mga glass bottle o salamin ay nagra-radiate kapag tinamaan ng sikat ng araw at lumilikha ng apoy.
“like ang mga dahon o damo po kasi, lalo na kapag natabihan yan ng glass bottle o anumang may glass, through heat from sunlight nagra-radiate po siya kaya nagsisimula ng fire. Nari-reach po nila ang burning point nila.”paglilinaw ni Taa
Dagdag pa ng fire volunteer, karaniwan namang pinagsisimulan ng sunog sa mga bahay ay ang kuryente at mga napapabayaang niluluto sa kusina.
Payo pa ng eksperto sa publiko ang pagkakaroon ng fire escape plan, tamang paggamit ng fire extinguisher ng bawat miyembro ng pamilya, at higit sa lahat ay huwag mataranta.
Kung walang fire extinguisher maari ding gumamit ng basang basahan, damit o kumot bilang pamatay sunog.
“Sa kitchen fire, kapag umapoy na kaldero, maghanap lang ng takip at takpan ang nasusunog na kawali o kaldero, then close the LPG and burner. Maari ding kumuha ng towel o basang basahan na sasakto na kasya o mas malaki sa kawali. Babasain and pipigain natin bago itakip sa nasusunog,” ayon pa kay Taan.
Pinapayuhan din ang publiko na huwag punuin ang mga saksakan at iwasan at pagggamit ng extension upang magsaksak pa ng karagdagang extension.