7,017 total views
Tiniyak ni Senator Risa Hontiveros ang patuloy na pakikiisa at pagsisilbing boses ng mga manggagawa.
Sa paggunita ng pandaigdigang araw ng paggawa, ipinangako ni Hontiveros ang suporta sa mga batas na magpapabuti sa kalidad ng pamumuhay ng mga manggagawa.
Tinukoy ng Senador ang Senate Bill 2534 o 100-pesos Daily Minimum Wage Increase Act na pasado na sa Senado.
“Well mismong ang kilusang paggawa ay hindi tumitigil sa paghahain ng mga priority legislative agenda, mula dito sa 100-pesos across the board wage increase sa mga minimum wage earners na isang hakbang patungo sa living wage na inyong ipinaglalaban,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Hontiveros.
Isinusulong ng mambabatas ang mga hakbang na magbibigay proteksyon sa mga unyon at pagtatatag nito upang magpatuloy ang collective bargaining agreement.
Ipinarating din ng Senador sa mga manggagawa ang kahandaan na makipag-negosasyon para sa collective bargaining agreements sa mga employer.
“Hanggang sa pagsusulong ninyo ng inyong mga karapatan na makapag-organisa ng mga unyon, makipag-negosasyon para sa collective bargaining agreements at tuwing kinakailangan na makapag-welga hanggang papo sa inyong mga laban para sa isang makataong pamumuhay na mayroong karapatan at kagalingan ng bawat pamilya ng manggagawa, so kung ganiyan kayo mga kasama kayo sa mga kilusang paggawa, paano naman kami, yung mga ibang kasama sa SIKLAB at kami rin inyong kaalyado sa loob ng senado ay sasabayan po kayo, yan po ang aking panata,” ayon pa sa mensahe ni Hontiveros.
Ginawa ng Senador ang labor day message sa idinaos na misang pinangunahan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo para sa Dalangin ng Manggagawang Pilipino: Sahod Itaas, ChaCha Iatras! sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church.