8,501 total views
Hinimok ng dalawang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mga manggagawa na gawing inspirasyon si San Jose Manggagawa upang mapagtagumpayan ang anumang hamong kakaharapin.
Ito ang paalala ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco at San Fernando La Union Bishop Daniel Presto sa mga manggagawa sa paggunita ng labor day.
Hinikayat din ng dalawang Obispo ang mga manggagawa na huwag mahiyang lumapit sa simbahan sa kanilang pangangailangang espiritwal.
Ipinagdarasal ni Bishop Ongtioco na katulad ni San Jose ay lalu pang magpunyagi at mahalin ng mga manggagawa ang kanilang trabaho na tumutugon sa pangangailangan ng pamilya at sarili.
Iginiit ng Obispo na kinilala ng Vatican II ang mahalagang ambag ng mga manggagawa sa lipunan at sangkatauhan.
“The Church continues to highlight the dignity of man and his rights. We go back to the moment of creation 6th day, God entrusted to man His creation making him his manager and copartner in caring and developing the world. Pope Pius XII in 1955 instituted the feast of St Joseph the Worker because the communist and socialist ideals threaten the dignity of workers and family life. Vatican II underscores the important contribution of workers in society and civilization,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Ongtioco sa Radio Veritas.
Ipinarating naman ni Bishop Presto ang patuloy na pananalangin at pakikiisa ng simbahan sa mga manggagawa upang mapalakas ang kanilang apela at mga panawagan sa pamahalaan.
Inihayag ni Bishop Presto na kasama ng mga manggagawa ang simbahan sa hangaring makamit ang nararapat na sahod at benepsiyo.
Ipinapanalangin din ng Obispo na mapaigting ng pamahalaan ang pagsuporta sa lokal na sektor ng pagnenegosyo tungo sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Ang pagdiriwang ng araw ng manggagawa ay pagkilala sa contribution ng mga manggagawa sa ating lipunan, sila na mga workers dito at sa labas ng bansa, mga permanent at contractual workers, mga manggagawang mula sa pagsasaka, pangingisda, nasa opisina, factory, mga jeeney/bus/tricycle drivers, at iba pang sulok ng ating komunidad, sa ating paggunita sa kanila ay atin ding kinikilala ang iba’t ibang kalagayan nila nila tulad ng mga kumikita ng mababa at hikahos ang buhay, mga pinagsasamantalahan at inaabuso, mga hirap pagkasyahin ang kita sa maghapon , at mga nawalan ng trabaho dulot ng iba ibang kadahilanan,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Nabatid sa datos ng Presidential Communication Office noong 2023 na mahigit sa 50-milyong Pilipino ang workforce ng Pilipinas.