19,105 total views
Ayon pa kay Cathy Estabillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas, at kung maari ay tuluyan nang tanggalin ang batas upang mapababa ang preyso ng bigas sa mga pamilihan.
Paliwanag ni Estabillo, matagal na silang tutol sa RTL mula sa unang taon pa lamang ng pagpapatupad ng batas na higit pang nagpahirap hindi lamang sa mga mamimili kundi maging sa mga magsasaka.
“First year of implementation pa lang ng batas ay pinababasura na naming, kasi alam na natin ‘yung mangyayari. Once ipasa sa pribado ‘yung kalakalan ng palay at ng bigas. At nakita natin nitong five years of implementation niya na talagang delubyo ang inabot ng ating magsasaka, gayundin sa ating maralitang consumers dulot ng tuloy-tuloy na pagtaas bigas. Kaya’t kailanman ay walang nakamit dun sa binabanggit sa nagsulong ng batas na mapaunlad ang kalagayan ng ating magsasaka. At magiging affordable ang bigas,” ang bahagi ng pahayag ni Estabillo sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Sinabi ni Estabillo na marapat lamang na ibalik sa National Food Athority o NFA ang mandato sa pagregulate ng presyo ng bigas at hindi sa mga negosyante, gayundin ang paglalabas din ng subsidized prices ng bigas.
Umaasa din ang Bantay Bigas na ang pag-amyenda sa batas ay magpapalakas din pa rin sa lokal na produksyon at hindi dapat iasa sa tuwinang pag-aangkat ng bigas.
Binigyan diin pa ng grupo na maari lamang makamit ang sinasabing mababang presyo ng bigas o ang pangakong P20 sa kada kilo kung paglalaanan ng pamahalaan ng higit na tulong ang industriya ng pagsasaka.
“Dapat sa gagawing pag-amynenda ay kasama ang pagpapalakas pa rin sa lokal na produksyon at hindi pag-asa sa importasyon dahil kaya natin likhain ang ating pagkain kung may political will talaga,” ayon pa kay Estabillo.
Nakatakdang talakayin ng Kamara ang pag-amyenda sa Rice Tarrification Law o RTL sa layuning may maibaba ang presyo ng bigas sa pamilihan.
Ang pag-amyenda sa batas ay upang maibalik sa NFA ang kapangyarihan na makapagbenta ng murang bigas sa mamamamayan.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, pinag-aaralan na ng mga mambabatas ang hakbang kung saan tinatayang aabot sa 10 piso hanggang 15 piso ang maibabawas sa presyo sa kada kilo ng bigas na mabibili sa merkado na inaasahang maisasakatuparan sa Hunyo.
Hinimok din ng mambabatas ang Senado na madaliin na rin ang planong pag-amyenda ng RTL, at hihilingin din kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sertipikahan bilang ‘urgent’ ang panukala upang agad na maipasa bago pa man ang sine die adjournment ng Kongreso ngayong Mayo.
Sinabi pa ni Romualdez bagama’t nanatiling hangarin ng administrasyon ang sinasabing bente pesos na halaga sa kada kilo ng bigas, ay hindi pa rin ito maisasakatuparan lalo’t mataas ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan.
Una ring nanawagan ang simbahan sa pamahalaan na bigyang tuon ang kalagayan ng mga mahihirap dulot na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin.
Gayundin ang pagbibigay ng tulong sa mga lokal na magsasaka na maiangat ang kabuhayan gayundin para sa food security ng bansa.