99,787 total views
Kapanalig, kapag usapang malnutrisyon, ang ating unang naiisip ay kapayatan at gutom. Ang larawan na bumungad sa ating isip sa usaping ito ay ang sobrang kapayatan pero malaki ang tiyan, tuliro ang itsura, at kabagalan sa pagkilos. Pero kapanalig, ang malnutrition ay hindi lamang undernourishment, sakop din nito ang overnourishment.
Ang malnutrition, ayon sa World Health Organization, ay ang kulang o sobrang nutrient intake, kawalan ng balanse sa mga esensyal na nutrients na kailangan ng katawan, at ang maling paggamit ng mga nutrients. Sa malnutrition, pwede kang maging sobrang payat o wasting na – masyadong maliit para sa iyong tangkad at edad, at pwede ring maging obese, sobrang taba para sa iyong tangkad.
Ang malnutrition ay prevalent sa mga bata – nakadepende kasi sila sa mga kaanak para sa kanilang nutrisyon. Dito sa ating bansa kung saan marami ang mahirap, malaking hamon ang undernutrition. Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank, tatlumpung taon na halos walang pagbabago sa dami ng undernourished sa ating bayan.
Marami ang stunted ang growth. Isa sa tatlong bata o 29% na may edad 5 pababa ay masyadong maliit para sa kanilang edad. Mataas din ang antas ng micronutrient undernutrition sa atin. Umaabot ito ng 38% sa mga sanggol na may edad anim hanggang labing-isang buwan. Mga 20% naman ng mga nagbubuntis ay anemic.
Sa kabilang banda, tumataas din ang overnutrition ng maraming bata dahil nag-iiba naman ang diyeta ng maraming pamilya. Ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF, nagbabago na ang diet ng maraming mga bata sa ating bayan – mas konti na ang kumakain ng gulay at prutas at mas pinipili na nila ang matatamis, maalat, at matatabang pagkain. Mga 74% ng mga bata may edad 13-15 ay kaunti lamang ang gulay na kinakain – less than three portions kada araw- habang mas maraming bata, mga 38% ang umiinom ng isang softdrink kada araw. Sa mga batang edad 5 to 10, tumaas naman ang antas ng pagiging overweight mula 10.4% noong 2019 tungo sa 14% noong 2022, at sa edad 10 to 19, naging 13% nitong 2023 mula 10.7% noong 2019.
Ang malnutrition kapanalig ay paglabag sa karapatan ng mga bata sa kalusugan, na pundasyon ng ating pagkatao at mahalagang salik ng ating dignidad. Kailangan nating lapatan ng akma at napapanahon o timely na aksyon ang isyu ng malnutrisyon sa ating bayan dahil ang kabataan, ang kinabukasan ng ating bayan, ang unang naapektuhan nito. Sabi nga ni Pope Francis sa Sacramentum Caritatis: The prayer which we repeat at every Mass: “Give us this day our daily bread,” obliges us to do everything possible, in cooperation with international, state and private institutions, to end or at least reduce the scandal of hunger and malnutrition afflicting so many millions of people in our world, especially in developing countries.
Sumainyo ang Katotohanan.