10,320 total views
Tiniyak ng Military Ordinariate of the Philippines ang pagpapalago sa espiritwalidad ng mga kawani ng security forces ng bansa.
Ito ang mensahe ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio kasunod ng paggawad ng sakramento ng kumpil sa 38 inidbidwal sa National Headquarters ng Bureau of Fire Protection sa Quezon City.
Sinabi ng obispo na ang mga sakramento ay paalala sa bawat isa sa tungkulin bilang bahagi ng krisitiyanong pamayanan at maging gabay sa buhay.
“Hinihikayat ko ang lahat ng sakop ng Military Ordinariate sa lahat ng branch of service na mabigyan ng pastoral at spiritual enhancement, tulad ng ginawa natin ngayon dito sa BFP na kumpil…ito ay some sort of reminder na sa buhay hindi lang wordly concern ang atupagin but also spiritual nourishment. This is one of those enhancement saka welfare para sa kanilang paglago sa kanilang pananampalataya at buhay espiritwal,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ang kumpilang bayan ng BFP ay inisyastibo ng BFP Chaplain Service na pinamumunuan ni Fr. (FSSUPT.) Randy Baluso kasama si Post Chaplain Fr. (FSINP.) Raymond Tapia.
Ito ay bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan ni St. Florian na patron ng mga firefighters na ipinagdiriwang tuwing May 4.
Ikinagalak ni Bishop Florencio ang pagiging aktibo ng mga chaplaincies para gabayan ang mga men and women in service sa paghuhubog ng moralidad at espiritwalidad.
Hiling ng obispo ang patuloy na panalangin upang lumago pa ang bokasyon ng military diocese at madadagdagan ang mga naglilingkod sa mga chaplaincy ng iba’t ibang branch of service.
“Hinikayat ko ang mamamayan na ipanalangin na magkaroon pa ng mas marami pang mga chaplains na makatutulong sa moral welfare ng ating mga tropa,” ani Bishop Florencio.
Sa paninilbihan ni Bishop Florencio mula nang maitalaga noong 2019 aktibo itong nag-iikot sa mga kampo sa buong Pilipinas para bisitahin ang mga uniformed personnel.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay ng buhay espiritwal ng mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Sa tala, aabot sa mahigit 220,000 ang bilang ng mga kawani ng AFP, PNP, at PCG na ginagabayan ng Military Ordinariate of the Philippines mula sa iba’t ibang kampo at rehiyon sa buong bansa.