13,365 total views
Hinikayat ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio ang patuloy na pananalangin para sa kaligtasan ng mga bumbero.
Ayon kay Bishop Florencio, malaking tulong ang pagkakaroon ng espiritwal na paggabay sa mga bumbero lalo na’t hindi biro ang kanilang misyong pigilan ang pinsala ng sunog at magligtas ng maraming buhay.
Ang apela ng obispo ay kaugnay sa paggunita kay San Floriano na itinuturing na pintakasi ng mga bumbero at patron ng Bureau of Fire Protection.
“Please pray ang ating mga bumbero, ang ating fire officers na maging safe sila sa kanilang duty to protect the lives of the people from any untoward incidents,” apela ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Kasabay ng pag-iral ng matinding init ng panahon ay ang pagtaas ng bilang ng mga naitatalang insidente ng sunog sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Panawagan naman ni Bishop Florencio sa mga kawani ng BFP na paigtingin pa ang pagbabahagi ng mga kaalaman at pagsasanay na tiyak na makakatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga sunog sa mga pamayanan.
“As firefighters, ‘di lang tayo activated doon sa pagpatay ng sunog. Doon din tayo sa mga sources na kung saan araw-araw, hikayatin natin na tayo ay maging active din sa pagsasabi at pagbibigay ng edukasyon sa publiko upang sila ay manatiling prepared at maiwasan ang sunog,” saad ni Bishop Florencio.
Batay sa huling ulat ng BFP, umabot na sa higit 3,000 ang naitalang insidente ng sunog sa bansa sa unang bahagi pa lamang ng 2024 kung saan ang dahilan batay sa imbestigasyon ng ahensya ay mga itinatapong upos ng sigarilyo.
Dagdag pa ng BFP, 69-katao ang naitalang nasawi at 213 ang sugatan sa mga sunog na karamiha’y nangyari sa residential areas.