7,531 total views
Hinimok ng pamunuan ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima sa Urduja, Caloocan City ang mamamayan na paigtingin ang pananalangin lalo ng Santo Rosaryo.
Ayon kay Shrine Rector at Parish Priest Fr. Aristeo De Leon, sa kasalukuyang sitwasyon ng mundo mahalagang maisabuhay ang panawagan ng Mahal na Ina nang magpakita ito sa tatlong bata sa Fatima Portugal noong 1917 kung saan hiniling ang pananalangin ng rosaryo at pagpapanibago ng puso tungo sa kapayapaan.
“Napakahalaga na isabuhay natin ang mensahe ng ating Mahal na Birhen ng Fatima sapagkat ito’y napapanahon, kapayapaan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, kapayapaan sa puso ng bawat isa, kapayapaan sa bawat pamilya. Ipalaganap ang pagdarasal lalo na ng santo rosaryo at pagsakripisyo para sa ikapagbabalik loob ng mga kasalanan at para sa kapayapaan ng buong daigdig,” pahayag ni Fr. De Leon sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na bilang dambanang nakatalaga sa Mahal na Birhen ng Fatima ay buhay na buhay ang misyon ng Mahal na Ina sa komunidad.
Tampok na gawain sa kapistahan ang paggawad ng Sakramento ng Kumpil sa 70 indibidwal na ayon kay Fr. De Leon isang hakbang tungo sa pagpapalago ng pananampalataya ng tao.
“Ito ay isang paraan din para palalimin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng Sakramento ng Kumpil, ng Eukaristiya at ng iba pang sakramento,” ani Fr. De Leon.
Pinangunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang paggawad ng sakramento ng kumpil kung saan hamon nito sa mga magulang, ninong, at ninang na pagtibayin ang pananampalataya sa Diyos at ipamana sa mga kabataan.
Ayon kay Bishop Gaa mahalagang mahubog at matibay ang pananampalataya ng mga magulang, ninong at ninang upang magabayan ang mga bata tungo sa landas ni Hesus.
Sinabi ng opisyal na marapat maunawaan ng mamamayan ang diwa ng pananampalataya kasabay ang paanyayang maging aktibong bahagi sa kristiyanong pamayanan sa pamamagitan ng pagdalo sa mga Banal na Misa lalo tuwing Linggo at Pista ng Pangilin.
Tinuran ni Bishop Gaa na sa Banal na Misa ay patuloy na sinasariwa ng mananampalataya ang grasyang tinanatanggap sa binyag at kumpil gayundin ang pakikiisa sa misyon ni Hesus.