13,017 total views
Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Office on Stewardship ang mananampalataya sa kahalagahan ng pagtanggap sa Espiritu Santo.
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa pagdiriwang ng simbahan sa Linggo ng Pentekostes kung saan ang pananahan ng Banal na Espiritu sa bawat isa ay paraan upang maisabuhay ang misyon ni Hesus.
Ayon sa obispo kaakibat ng pagtanggap sa Espiritu Santo tulad noong bumaba ito sa mga apostoles kasama ng Mahal na Birheng Maria ay matatamo ng sangkatauhan ang biyaya ng karunungan, pagkaunawa, kaalaman, matuwid na pagpapasya, banal na pagkatakot sa Diyos, katatagan at kalakasan ng loob.
“Ibinubuhos sa atin ang mga regalo ng Espiritu Santo na magagamit natin sa pagsasabuhay ng buhay ni Hesus, na kailangan natin sa ating pag-unlad sa pananampalataya,” mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Paalala pa ng opisyal na sa sakramento ng binyag ay unang tinanggap ang Espiritu Santo habang sa sakramento ng kumpil ay itinatak ang Banal na Espiritu upang manahan sa bawat isa na mabisang sandata upang labanan ang kasamaan at panunukso ng kasalanan.
Batid ni Bishop Pabillo na marami ang hindi nakatatanggap ng kumpil lalo na sa liblib na kanayunan kaya’t sinisikap nitong abutin ang nasasakupang komunidad upang ibahagi ang mga sakramento ng simbahan lalo na ang pagtatatak ng Espiritu Santo sa bawat binyagan.
“Ngayon pinupunan natin ang mga kakulangan at inaabot ang mga kawan kaya magpakumpil na kayo at tanggapin ang Espiritu Santo,” ano ng obispo.
Sa ika – 50 araw ng Muling Pagkabuhay ni Hesus at matapos ang kanyang pag-akyat sa langit ay bumaba ang Espiritu Santo sa mga apostol kasama ang Mahal na Birheng Maria.
Ito rin ang tinaguriang kaarawan ng simbahang katolika kung saan sa inspirasyon ng Espiritu Santo ay nangaral si San Pedro ang kauna-unahang Santo Papa sa mga Hudyo at non-believers na nagbunga ng pagbinyag sa humigit kumulang 3, 000 katao.