68,029 total views
Ang ating bansa ay sagana sa likas na yaman at makulay na kultura. Sa kabila ng yamang ito, napakarami pa rin sa ating bansa ang napakahirap, kapanalig.
Ayon sa mga datos, halos ikatlo ng ating populasyon ay nabubuhay sa ilalim ng poverty line. Base sa opisyal na datos, ang Central Visayas ang may pinakamaraming mahirap na indibidwal noong unang semester ng 2023. Umabot ng 2.56 milyong katao ang mahirap sa rehiyon.
Ang kahirapang ito, kapanalig ay napapalala ng climate change. At sa bawat hagupit ng epekto ng climate change, ang mga mahihirap na lugar gaya ng Central Visayas ang pinaka-bulnerable.
Kaya’t napaka-inam na ang rehiyon na ito ay nagta-transisyon na sa low carbon economy, alinsunod sa 5-year-plan nito na magsusulong ng pag-gamit ng renewable energy sa pamamagitan ng reporma sa polisiya at mga insentibo sa mga stakeholders. Nagsimula na ang rehiyon na mag-promote ng pag-gamit ng solar power, net metering, mga green programs, at ang pagbawas ng emisyon mula sa mga behikulo. Nagtataguyod na rin ito ng mga bike networks sa mga key cities upang hindi lang maging mas ligtas ang mga kalye sa rehiyon, kundi upang isulong ang mas malinis na hangin.
Sana ay mas marami pang mga rehiyon at probinsya ang mag-transition sa low carbon economy. Ngunit bago mangyari ito, kailangan makita ng mga lokal na gobyerno na pivotal o kritikal ang kanilang bahagi sa climate change mitigation. Ang policy environment ng isang rehiyon ay siyang catalyst o mitsa ng mga pagbabago na susundin ng mga tao. Ito rin ang magbibigay direksyon sa kinabukasang tatahakin ng mga mamamayan nito.
Kung hindi i-integrate ng mga lokal na gobyerno ang usaping climate change sa mga plano nito, kulang ang kanyang pagtugon sa mga hamon ng kanyang lugar na pinamumunuan. Iniiwan din niyang bulnerable ang kanyang lugar hindi lamang sa kahirapan kundi sa kalamidad, pagkasira ng sakahan, at pag deteriorate ng kalusugan ng tao, hayop, at halaman. Laging nasa crisis mode ang kanyang sakop, at laging dehado ang mga tao. Kalaunan, ang tao mismo ang aalis at tutungo sa ibang lugar kung saan sila ay kinakalinga at ligtas.
Kapanalig, ayon sa mga US Catholic Bishops “Economic Justice for All,” The way society responds to the needs of the poor through its public policies is the litmus test of its justice or injustice. At dahil sa pagkukulang natin dito, sabi nga sa Laudato Si: Our world has a grave social debt towards the poor.” Bilang mga lokal na pinuno, ang ating mga LGUs ay kailangang tumugon sa pangangailangan ng maralita, lalo ngayong panahon ng climate change. “Greater attention must be given to the needs of the poor, the weak and the vulnerable, in a debate often dominated by more powerful interests.”
Sumainyo ang Katotohanan.