48,782 total views
Ang edukasyon ay itinuturing na pundasyon ng kaunlaran. Mapa-pormal o impormal man, ang edukasyon ay nagbibigay ng kaalaman at kasanayan na kailangan ng tao upang makamit ang mas maginhawang buhay. Pero sa kabila ng kahalagahan nito, umiiral pa rin ang learning poverty sa ating bansa.
Hanggang ngayon kapanalig, nakaka-alarma ang taas ng antas ng learning poverty sa ating bayan. Ayon nga sa isang pag-aaral ng World Bank, siyam sa sampung Pilipino edad 10 years old ay hirap magbasa at umunawa ng simple at age-appropriate reading material. Ang mataas na antas na ito ay nagpapakita ng mababang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Maraming mga dahilan kung bakit nangyayari ito. Una siyempre ang pondo. Taon taon man palakihin ang pondo sa sektor, dahil sa dami, hindi pa rin ito sapat upang tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mag-aaral, personnel, at paaralan sa buong bansa. Dahil dito, marami pa ring mga paaralan ang hindi sapat ang guro, pasilidad, aklat, at iba pang kagamitan.
Ayon din sa report ng World Bank, ang kakulangan pa sa mastery ng mga teachers at absenteeism ay nakadagdag din sa learning poverty sa bayan. Kailangan pa nating pag-ibayuhin ang teaching practices sa bayan at tiyakin na akma ito sa mga batang tinuturuan. Kapanalig, iba na rin ang panahon ngayon, at marami ng mga teaching techniques ang mas naaayon para sa henerasyon ng kabataan ngayon.
Isa rin naman sa dahilan kung bakit hirap makapagturo ng maayos ang mga guro ay dahil weak o mahina din ang mga training programs na binibigay sa kanila. Ayon sa pagsusuri ng World Bank, kailangan tutukan sa training ng mga guro ang content knowledge, mga oportunidad na mapraktis ang natutunan kasama ang mga kapwa teachers, tuloy tuloy na suporta at follow-up, at syempre, kasama na rin dito ang mga career incentives gaya ng promosyon o pagtaas ng sweldo.
Dahil sa learning poverty, kapanalig, nakokompromiso ang kinabukasan ng mga bata at bayan. Napakalawak ng implikasyon nito sa ating buhay. Makaka-apekto ito sa pag-unlad ng buhay ng mga Pilipino at ng buong bansa. Ang learning poverty ay naglilimita din ng mga uri ng trabaho na maaaring makuha ng mga kabataan sa kalaunan.
Ang edukasyon, kapanalig, ay integral sa dignidad ng bawat tao. Ang patuloy na pag-iral ng learning poverty sa ating bayan ay humahadlang sa kaganapan natin bilang anak ng Diyos. Sabi nga sa Mater et Magistra, “Dapat bigyan ng mas maraming tulong at mas maraming oras ang mga kabataan upang makumpleto ang kanilang bokasyonal na pagsasanay at kanilang cultural, moral at religious education. Ang modernong kabataan ay dapat ding binibigyan ng mas mahabang panahon sa kanyang pag-aaral ng sining at agham. Ang lahat ng ito ay lumilikha ng isang mundo kung saan ang mga manggagawa ay nagiging mas responsable at matatag sa kanilang sariling larangan ng trabaho.
Sumainyo ang Katotohanan.