5,104 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-16 ng Hunyo, 2024
Mula pa man noong una pinuna ko na pagdiriwang ng araw ng mga ina at araw ng mga ama dahil sa katawa-tawang pagbati nila: "Happy Mother's Day" sa lahat ng Ina! "Happy Father's Day" sa lahat ng Ama! Kanino pa nga ba araw ng mga Ina kungdi sa mga nanay at ang araw ng mga Ama kungdi sa mga tatay? Kaya hindi ko mapigilang matawa sa tila dispalenghagang turing nila na mother's day sa mga Ina at father's day sa mga Ama: e para kanino pa nga ba mga araw na iyon?
Nguni't sadyang mapagbiro itong tadhana nang aming ihatid si ina sa kanyang himlayan noong Sabado, kinabukasa'y ikatlong Linggo ng Mayo, Araw ng mga Ina; hindi na ako natawa bagkus naiyak nang makita sa social media napakaraming pagbati sa kani-kanilang ina ng Happy Mother's Day; noon ko higit nadama sakit ng pagiging ulila sa ina, kalungkutan ng pangungulila sa nanay na hindi na makikita, mahahagkan at mayayakap palaging tanong kung ako'y kumain na?
Tinakda ang Araw ng mga Ina tuwing ikatlong Linggo ng Mayo upang parangalan kadakilaan nila ngunit kung tutuusin araw-araw ay Araw ng mga Ina dahil wala nang hihigit pa sa pag-ibig nila sa atin katulad ni Jesus sarili'y sinaid at binuhos matiyak ating kaligtasan, kapayapaan at katiwasayan; hindi sasapat isang araw ng Linggo taun-taon upang mga ina ay pagpugayan, parangalan at pasalamatan dahil sa bawat araw ng kanilang buhay, sarili kanilang iniaalay; batid ng mga nanay lilipas kanilang buhay maigsi lamang kanilang panahon kapos buong maghapon walang sinasayang na pagkakataon pipilitin pamilya ay makaahon sa lahat ng paghamon.
May kasabihan mga Hudyo nilikha daw ng Diyos ang mga ina upang makapanatili Siya sa lahat ng lunan at pagkakataon; hindi ba gayon nga kung saan naroon ang nanay, mayroong buhay at pagmamahal, kaayusan at kagandahan kaya naman sa Matandang Tipan matatagpuan paglalarawan sa Diyos katulad ng isang ina: "malilimutan ba ng ina ang anak na galing sa kanya, sanngol sa kanyang sinapupunan kailanma'y di niya pababayaan; nguni't kahit na malimutan ng ina ang anak niyang tangan, hindi kita malilimutan"; iyan ang katotohanan ng Diyos at mga ina mapanghahawakan hanggang kamatayan.