15,239 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na higit pang pahalagahan ang mga punongkahoy na naghahatid ng balanse sa kalikasan.
Sa liham pastoral,, hinikayat ni CBCP-Office on Stewardship Chairman Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang pagtatanim ng mga punongkahoy upang makatulong na maibsan ang labis na tag-init dulot ng El Niño Phenomenon at climate crisis.
Ayon kay Bishop Pabillo, ang mga puno ang nagbibigay ng malamig na kapaligiran at nagpapatibay sa mga kabundukan upang maiwasan ang pagguho ng lupa.
“Upang mapangalagaan ang kagubatan, karagatan at kabundukan natin, magtanim tayo ng mga puno. Ang bawat pamilya ay magtanim at pangalagaan ang mga itinatanim. Magtanim ng mga bakaw, magtanim ng mga puno na namumunga, magtanim ng mga katutubong puno. Ito ay bahagi ng ating pagiging mabubuting katiwala,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Aminado naman ang obispo na maging ang simbahan ay nagkasala sa kalikasan dahil sa pagpuputol ng mga punongkahoy upang gamitin sa proyektong pagsasaayos ng Saint Joseph the Worker Cathedral o Taytay Cathedral.
Iginiit ni Bishop Pabillo na nangyari ito dahil sa mga taong sangkot sa iligal na gawaing nais lamang kumita ng salapi nang hindi isinasaalang-alang ang kahihinatnan ng kalikasan.
Hinikayat ng opisyal ng CBCP na sa halip na pagsamantalahan at pagkakitaan, dapat higit pang pagsikapan ng bawat isa na ipagtanggol, pagyabungin, at pangalagaan ang mga kagubatan para na rin sa kapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon.
“Tandaan po natin na kasalanan ang pag-iiligal. Hindi lang ito kasalanan kasi labag sa batas ng tao, kasalanan ito dahil sa pagsisira ng magagandang nilikha ng Diyos, pagkawala ng samot-saring buhay (biodiversity), at pagpapahirap din sa kapwa tao, lalo na sa mga susunod na henerasyon. Sinasaktan natin ang kagubatan, sinasaktan natin ang Diyos na Maylikha, at sinasaktan at pinahihirapan natin ang ating kapwa,” saad ng obispo.
Panawagan naman ni Bishop Pabillo sa kristiyanong sambayanan na magkaroon ng programa sa pagtatanim ng mga puno, at makiisa sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpapakita ng pagmamalasakit na pangalagaan ang kagubatan ng Northern Palawan.
Sa pamamagitan nito, ayon sa obispo ay maipahahayag ng bawat isa hindi lamang ang pagnanais na palaganapin ang pangangalaga sa nag-iisang tahanan, kun’di maging ang pag-ibig sa Diyos na lumikha.
“Kahit na maliit lamang ang Northern Palawan, may maiaambag din tayo upang labanan ang pag-iinit ng panahon. Ito ay isang tanda din ng ating pag-ibig sa Diyos na Manlilikha,” ayon kay Bishop Pabillo.