19,613 total views
Iginiit ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na hindi hadlang sa kristiyanong pamayanan ang pagkakapasa ng panukalang diborsyo upang manindigan sa kasagraduhan ng sakramento ng pag-iisang dibdib.
Ito ang tugon ng cardinal makaraang pumasa sa mababang kapulungan ang House Bill No. 9349 o Absolute Divorce Act nitong May 22.
Binigyang diin ng arsobispo na ito ay isang hamon para mas paigtingin ng simbahan ang paggabay sa mga mag-asawa.
“The passage of divorce bill in the House of Representatives should not deter us from working doubly hard for the sake of marriage and the family. We take it as a challenge to recalibrate our efforts in ministering to couples in difficult situations. There is a need to truly accompany them in their perilous journey as a couple and as a family,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Batay sa panukala magsisilbing batayan ng diborsyo ang pang-aabusong pisikal; moral pressure na dahilan sa pagpapalit ng relihiyon at political affiliation; tangkang paghimok sa petitioner o sa mga anak sa prostitusyon; pagkalulong sa iba’t ibang bisyo, kasarian, at pagkakaroon ng bigamous marriage.
Batay sa 2017 National Demographic and Health Survey ng Philippine Statistics Authority isa sa bawat apat na babaeng may asawa edad 15 hanggang 49 taong gulang ang nakakaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga asawa.
Gayunpaman nanindigan si Cardinal Advincula na hindi diborsyo ang tugon sa suliranin ng mga mag-asawa.
“If indeed divorce becomes a law in our country in the future, let it be understood that it will only apply to civil marriages and not to sacramental marriages. The fact remains that divorce is not the ultimate solution to problematic unions,” ani Cardinal Advincula.
Sa panig ng Alliance for the Family Foundation Philippines Inc o ALFI patuloy itong makipag-ugnayan at makipagpulong sa mga mambabatas upang ilahad ang resulta ng kanilang pananaliksik gayundin ang position papers na magpapakita sa negatibong epekto ng diborsyo sa pamilya at lipunan.
Una nang ibinahagi ng ALFI sa kanilang pag-aaral sa mga bansag may diborsyo ay patuloy na dumadami ang kaso ng paghihiwalay tulad sa Amerika na naitala ang 50 porsyentong paghihiwalay ng mga mag-asawa sa first marriage; 60 porsyento sa second marriage; at 70 porsyento sa third marriages.
“We already have existing legal remedies to couple separation, it is our hope that Congress may also reform such existing legal remedies so that they do not become burdensome for couples in need of them,” dagdag ng cardinal.
Pinasalamatan ni Cardinal Advincula ang 109 na mga mambabatas na nanindigan laban sa diborsyo habang patuloy na ipinapanalangin ang kaliwanagan ng isip sa 131 mambabatas na pabor sa panukala gayundin sa 20 nag-abstain sa botohan.
Sa kasalukuyan Pilipinas at Vatican lang ang naninindigan sa kasagraduhan ng kasal na ayon sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata 19 talata anim ‘Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.