25,614 total views
Nananawagan ang consumer group sa publiko na makiisa sa panawagan para tutulan ang isinusulong na Charter Change.
Ayon kay Cathy Estabillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas wala nang maasahan ang mamamayan sakaling pagtibayin ang reporma sa 1987 Constitution na pagpapahintulot ng 100 porsiyentong pag-aari ng mga dayuhan lalo na sa mga lupain at likas na yaman.
“Nananawagan kami sa buong mamamayang Pilipino na talagang magkaisa tayo itulak yung gobyerno na talagang gawin prayoridad. Lagyan ng malaking pondo yung industriya natin sa agrikultura para sa ganun ay magampanan yung kanyang responsibilidad na mapalakas yung ating lokal na produksyon,” ayon kay Estabillo sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Iginiit ng grupo, ang paglalaan ng pondo ng gobyerno sa industriya ng agrikultura at mapataas ang lokal na produksyon na magiging daan tungo sa food security.
Giit pa ni Estabillo, “Patuloy yung ating mga magsasaka na nananawagan ng libreng pamamahagi ng lupa, subsidyo, post harvest facilities, pagpapahinto dun sa tumitinding land use conversions, at land grabbing na ginagawa kahit three decades na yung mga magsasaka na sinasaka yung kanilang mga lupa.”
Una na ring nagsagawa ng pagkilos ang social arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-ang Caritas Philippines upang hadlangan ang pagsusulong ng Cha-Cha.
“Kaya kung may mga ganitong mga ginagawa ang gobyerno dapat tinatapatan natin ng malakas na pagkilos mula sa mamamayang pilipino at igiit natin na dapat uunahin niyang solusyunan yung mga batayang problema natin lalong-lalo na sa usapin sa crisis ng pagkain,” ayon pa kay Estabillo.
Marso ng kasalukuyang taon nang pagtibayin ng Mababang Kapulungan ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, habang nakabinbin naman sa Senado ang RBH No. 6 na kapwa tumatalakay sa pagkakaroon ng reporma sa restrictive economic provisions ng Saligang Batas.
Sinasaad sa parehong panukala na kinikilala bilang economic charter change na buksan ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan, partikular sa sektor ng public utilities, education, at adverstising.