10,232 total views
Isulong ang kabutihan ng mga magsasaka at mangingisda, hamon ng Obispo sa pamahalaan.
Umapela si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan at mamamayan na paigtingin ang pakikiisa sa mga magsasaka at mangingisda upang umunlad ang lokal na sektor ng agrikultura.
Ayon sa Obispo, higit na kailangan ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ang sapat na suporta mula sa pamahalaan sa gitna ng nararanasang El Niño Phenomenon at sa panahon ng tag-ulan.
“Ngayon pong buwan ng Mayo ito po’y buwan ng mga magsasaka at mga mangingisda kaya sa kalagitnaan ng buwan ng Mayo ay mayroon tayong kapistahan ni San Isidro Labrado na siya po ang Patron ng mga Magsasaka at marami po sa mga maliliit na magsasaka natin sila po ay mangingisda rin kasi sila ay nasa tabi ng dagat kaya ngayon po ang panawagan nila na dapat natin sana mas bigyan pa ng pansin ang mga magsasakat at mga mangingisda,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Inihayag ng Obispo na sa pagbibigay prayoridad sa sektor ng agrikultura ay makakamit ng bansa ang food security.
Hinahamon ng Obispo ang pamahalaan na unahin ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa halip na palakasin ang importasyon ng mga imported na agricultural products.
“Kaya’t pahalagahan po natin at kilalanin ang mga magsasaka at mga mangingisda, sana po ito ay ginagawa din ng ating pamahalaan na mabigyan sila ng nararapat at angkop na tulong para sa kanilang gawain, at ngayon pong mga buwan na ito, naranasan po natin ang matinding tag-init at marami pong nagdusa dito kaya ang mga magsasaka natin, marami ang mga tanim nila ay talagang nanuyo at hirap po sila sa kanilang hanapbuhay,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Pabillo.
Ang mensahe ng Obispo ay sa paggunita ngayong buong buwan ng Mayo bilang National Farmers and Fisherfolks Month.